ESTRATEHIYANG divide and rule ang ipinaiiral ng isang opisyal ng pamahalaan na wala pa namang ganap na tangan sa ipinagyayabang na kapangyarihan.
“Divide and rule is a phrase that means a way of keeping yourself in a position of power by causing disagreements among other people so that they are unable to oppose you, ayon sa Cambridge Dictionary,” pabida ng feeling matalinong Chismosa sa Malakanyang.
Gusto raw patunayan ng GOV’T EXEC na may “K” siya sa posisyon sa pamamagitan ng panggugulo sa ahensyang kanyang pansamantalang pinamumunuan.
Ginagamit daw niyang instrumento sa kanyang paninindak sa ahensya ang kanyang JOWA na “utak-pulburang jobless.”
Kahit wala dapat kinalaman ang kanyang JOWA sa ahensya, ito ang nagdidikta at nagmamaniobra sa lahat ng transaksyon ni GOV’T EXEC.
Kung dati raw ay nasa loob lamang ng kotseng nakaparada sa ilalim ng puno si JOWA, aba ngayo’y nakababad na siya sa opisina ni GOV’T EXEC na tila lider ng terrorist group na sinalakay at illegal na inokupa ang ahensya ng pamahalaan.
Kesyo eksperto raw sa psywar si JOWA kaya minamanipula niya ang ilang kawani na binigyan nila ng temporary position kahit hindi kuwalipikado, para lang sang-ayunan ang maitim nilang balak ni GOV’T EXEC at maghabi ng mga isyu laban sa ilang kumokontra sa kanilang pakana.
“Hindi ako naniniwala na isang pamosong solon at isang kontrobersyal na gambling lord ang pamato nila sa Palasyo kaya hindi magalaw ang kanilang conjugal dictatorship,” sabi pa ng isang miron.
“Nagsisilbing sidekick nila ang Isang Bruha na ang puhunan ay magsipsip at gumawa ng intriga,” dagdag niya.
CLUE:
Dati na raw natanggal sa isang pribadong kompanya si GOV’T EXEC dahil ayaw raw bayaran ang bill nang nilaspag na company issued cell phone sa pakikipag-chikahan sa kanyang JOWA na noo’y nasa abroad.
Tsinugi rin siya sa isa pang private company dahil raw sa pagpapakalat ng intriga sa mga kasamahan sa opisina.
Iniyakan daw niya ang isang opisyal na malapit sa dating administrasyon kaya nakapasok sa bakuran ng ahensya pero ngayon ay balak na rin niyang sampahan ng kaso.
“Kawawa naman ang ahensya kung sinisira ito ng mga anay at mga uod na galing sa pozo negro,” sabay-sabay na wika ng mga nagmamalasakit na miron.
‘Yun na!