Fri. Nov 22nd, 2024

MARAMI ang nagbunyi nang ianunsyo kamakailan ang pagbuhay sa peace talks sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Communist Party of the Philippines- New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP).

May mga nagulat na sa lantarang pagkawasak ng ipinagmalaking UniTeam, may mga nakakita pala ng pangangailangan na tuldukan ang armadong tunggalian sa bansa.

At ang lalong ikinamangha ng ilan, ang nagsusulong ng peace talks ay dalawang retiradong military generals na naging malapit at naging miyembro ng gabinete ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sina ret. Gens. Rolando Bautista at Carlito Galvez Jr., pawang mula sa Class ’85 ng Philippine Military Academy (PMA).

Ang hayagang pagsuwag ni Vice President Sara Duterte sa inisyatibang pangkapayaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay hindi naman kinagat ng mga aktibong militar.

Ito’y kahit ginamit na baraha ng kanyang ama ang “red card” laban sa administrasyong Marcos Jr. at mga mambabatas na nagsiwalat ng paggasta niya ng P125 milyong confidential funds sa loob ng 11 araw at idinulog pa ang usapin sa Korte Suprema.

Ang paggamit ng “red card” ng mga Duterte at kanilang mga alipores ay nakikita bilang squid tactics o taktikang panlihis sa tunay na isyu na kanilang kinakaharap, ang pagpapasok ng mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) para mangalap ng ebidensya sa crimes against humanity na isinampa laban sa dating pangulo hinggil sa ipinatupad niyang madugong drug war.

Kapag pinayagan ang ICC probers na makapasok sa Pilipinas, patunay ito ng paggalang sa international law ng administrasyong Marcos Jr.

Hindi nga naman tama na iginigiit ng Pilipinas sa China na sundin ang 2016 arbitral ruling kaugnay sa usapin ng West Philippine Sea (WPS), na bahagi ng international law, kung babalewalain ang komitment sa ICC ng bansa habang miyembro pa ng Rome Statute.

Ngunit sa gitna ng usaping ito, malaki ang problema ni Marcos Jr, paano niya kokontrahin ang squid tactics ng kampo ni Duterte kung hindi niya bubuwagin ang  National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC)?

Hindi ba’t ilang personalidad na karugtong ng bituka ng NTF-ELCAC ay lantaran na kung birahin ang ilan niyang patakaran, lalo na ang peace process?

Ginagamit din ng “peace process spoilers” ang social media bilang plataporma upang magpalaganap ng fake news laban sa ilang opisyal ng gobyerno at para “payungan” ang isa pa nilang patron na wanted sa Amerika.

Kung naniniwala si Marcos Jr. sa rule of law at nais niyang magbangong-puri sa mata ng international community, maaari niyang ipa-deliver sa Amerika si Apollo Quiboloy gaya nang ginawa ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay Manila 5th District Rep. Mark Jimenez noong 2002.

Kung naghihintay pa ng tamang tiyempo si Marcos Jr. para gawin ang mga ito, maaari niyang unahin ang pagbasura sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) para  maipakita ang malasakit sa mga tsuper, operayor at komyuter, mga taong kasama sa nagluklok sa kanya sa Palasyo.

Magiging malaking sampal ito sa kampo ni Duterte na promotor ng kontra-mamamayang PUVMP.

Kapag nangyari ito, pogi points na kay Marcos Jr, madaragdagan pa ang kanyang kakampi laban sa kampo ni Duterte dahil huhupa na ang tensyon sa sektor ng public transport at may domino effect sa buhay ng pangkaraniwang tao.

Huwag din kalilimutan ni Marcos Jr. na bayaran ang mga benepisyo ng healthcare workers na “sinuba” ni Duterte, kung nais niyang makaungos sa kanyang kalaban.

Ilan lamang iyan sa mahabang listahan na kayang gawin ni Marcos Jr. kung seryoso siyang ayusin ang bansa at matapos nang matiwasay ang kanyang termino sa 2028.

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *