Dalawang bata ang nasagasaan ng taxi, na nagresulta sa pagkamatay ng isa at pagkasugat ng isa, nitong Huwebes ng hapon sa Barangay 187, North Caloocan.
Ayon sa lokal na awtoridad, nagmamaniobra ang taxi sa kahabaan ng Dahlia corner Cattleya street habang naglalaro ang dalawang bata, edad 9 at 5, sa gitna ng kalsada.
Hiniling umano ng taxi driver sa isang batang babae na sabihan ang dalawang bata na tumabi, ngunit hindi sila gumalaw.
“‘Yung taxi na ‘yun may pi-pickup na pasahero, dead end po kaya umabante siya. Akala nung driver umalis yung dalawang bata. Siguro natapakan niya siguro ng maigi ‘yung gasolina eh,” sabi ni Barangay desk officer Robert Espiritu, sa ulat ng ABS-CBN.
Isang bata ang nasagasaan sa hita, habang ang isa naman ay natamaan sa dibdib.
Isinugod sa ospital ang dalawang bata, ngunit ang nakababatang paslit ay binawian ng buhay sa kanyang mga pinsala, habang ang 9 na taong gulang ay nananatiling nasa kritikal na kondisyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Traffic Division ng Barangay Bagumbong ang taxi driver. (ZIA LUNA)