Mon. Jan 6th, 2025

đź“·USS CARL VINSON | vistapointe.net

 

GARAPALANG tumawid sa soberanong karagatang sakop ng Pilipinas mula Pasipiko patungong West Philippine Sea (WPS) ang USS Carrier Strike Group One noong Disyembre 26, ayon sa Communist Party of the Philippines (CPP).

“Mahigpit na tinutuligsa ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang paglalayag noong Disyembre 26 ng US Carrier Strike Group One sa pagitan ng Leyte at Mindanao, kung saan garapalan itong tumawid sa soberanong karagatang sakop ng Pilipinas mula Pasipiko patungong West Philippine Sea,” sabi ni CPP Chief Information Officer Marco Valbuena sa isang kalatas.

“Ang pormasyong nabal ng US, na pinangungunahan ng USS Carl Vinson aircraft carrier, ay isang halimaw panggera na may kakayahang magdala ng isang malaking nukleyar na arsenal. Dala nito ang isang pangkat ng mga barkong pandigma kabilang ang USS William P. Lawrence (DDG 110), USS Sterett (DDG 104), at USS Princeton (CG 59),” dagdag niya.

Itinuturing ng CPP na isang malaking paglapastangan sa dignidad at damdamin ng mga Pinoy na nagmamahal sa kalayaan ang ang pagpapamalas ng dambuhalang lakas militar ng Amerika.

Giit ng Partido, sinagasaan nito ang soberanya ng bansa, na lalong nagpababa sa katayuan nito bilang isang neokolonya ng imperyalismong US.

“Ipinakikita nito kung paanong ginagamit ang bansa bilang isang lunsaran ng mga operasyon ng US sa pagpapakita ng lakas sa Pasipiko at bilang tau-tauhan sa ginagawa ng US na pagpapatindi ng inter-imperyalistang tensyon at pang-uudyok sa karibal nitong China,” paliwanag ni Valbuena.

Nakikiisa aniya ang Partido sa sambayanang Pilipino sa pagkondena sa” papet na rehimeng Marcos” sa pakikipagsabwatan sa paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas.

“Bukod sa pagbibigay ng mga karapatang ekstra-teritoryal sa mga pwersang US, pinayagan din nito ang militar ng US na magpwesto ng mga sandatang pandigma sa loob ng bansa. Kasama rito ang Typhon missile system na nakpwesto sa hilagang Pilipinas, na gusto nilang “ilipat” sa kontrol ng Pilipinas sa pamamagitan ng isang kasunduan sa “pagbili”,ani Valbuena.

Binigyan diin niya na sa nagdaang tatlong taon, pinayagan ng rehimeng Marcos ang militar ng US na lalong palakihin ang kanilang kapangyarihan sa Pilipinas, at gawin itong isang malaking base militar at kuta ng imperyalismong US. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *