Sat. Aug 8th, 2026

BUKAMBIBIG ng kampo ni Sen. Cynthia Villar na puro lang raw paninira ang ipinupokol ni Las Pinas City Councilor Mark Anthony Santos at ng kanyang pamangkin na si  Vice Mayor April Aguilar laban sa kanya samantalang marami na raw siyang naging accomplishment sa nakalipas na dalawang dekada niya sa politika.

Sagot ng followers ni Santos at ng netizens, “hindi na kailangan sirain ang isang dati ng sira.”

Sa nakalipas anilang walong buwan, sariling kagagawan ng senadora ang mga kumalat na video na mahirap pasinungalingan dahil mga inasta niya ito sa harap ng publiko.

Unang naging kontrobersyal at nag-trending ang video ni Sen. Villar na inilabas sa Tiktok noong September 2024 at kitang-kita na kinukurot niya sa braso at pinagagalitan ng senadora ang kanyang tauhan habang namimigay ng relief goods sa isang barangay sa Las Pinas.

Ang nasabing video ba ay kasalanan ng mga Aguilar at ni Santos na ni hindi naman imbitado sa pagtituipon?

Matapos nito, muling inilabas sa Tiktok si Sen. Villar na galit na pinagsasabihan ang isang security guard sa labas ng BF Resort Subdivision sa Las Piñas City sa pagpapapasok ng mga motorista sa loob ng subdibisyon kahit walang kaukulang sticker ang mga ito.

Ayon sa senadora, luma o rehash daw ang nasabing video.

Luma man o bago, nangyari pa rin ang naturang insidente na kitang-kita sa video ang magaspang na asal ng politiko.

Nakatutok na tuloy ang mga mata ng netizens sa mga event na dinadaluhan ng senadora kaya’t bawat kibot niya ay naka-video na.

Kagagawan ba ng kanyang mga kalaban sa politika ang mga inaasta niya sa harap ng publiko?

Oktubre noong isang taon, may video muli na kumalat sa social media na nilusob ng senadora ang kanyang katunggali sa pagka-kongresista na si Santos sa loob ng simbahan sa Philam Village sa Las Pinas habang pareho silang dumalo sa misa.

Sa nasabing video, ipinakita ng senadora ang tunay niyang pagkatao, walang respeto sa kapwa , sa Panginoon at sa mga taong simbahan.

Paliwanag ng senadora, hindi raw niya minura si Santos at pinagsabihan lang raw niya na huwag na siyang kakamayan sa susunod.

Ipagpalagay na tama ang alibi ni Sen. Villar, labag pa rin sa kagandahang asal ang kawalan ng respeto sa simbahan na animo’y pagmamay-ari niya kung siya’y umasta at kitang kita ito ng church goers.

Ang puna tuloy sa kanya, may pinag-aralan naman ang senadora pero tila tinakasan ng modo.

Ang nasabing video ay kuha ng isang concerned citizen na nasa loob ng simbahan at hindi nagmula sa kampo ng mga Aguilar at Santos.

Ang pagiging “popular” sa social media ni Sen. Cynthia ay katunayan lang na naging mapagmasid at mapanuri na ang mga taga-Las Pinas.

 

Land grabber?

 

Ang pinaka-trending na video na kumalat sa buong Pilipinas noong isang taon ay ang binitiwang boladas ni Sen. Villar sa harap ng mga tao na kanila raw ang limang ektaryang lupa sa Sitio Pugad Lawin sa Baranggay Almanza Dos na kanilang ipamamahagi sa madaling panahon.

Ngunit ang kanyang kondisyon, ipamimigay lang ng kanilang pamilya ang nasabing lupain sa kondisyon na suportahan ang kanyang mga kandidato sa eleksyon ngayong Mayo.

Nabisto at napahiya sa lipunan ang senadora matapos kumpirmahin ng Las Pinas City Hall na hindi pag-aari ng mga Villar o Aguilar kundi ng isang pamilya na nagbabayad ng amilyar taun-taon.

Tila naging ebidensya ang insidente sa matagal ng akusasyon sa pamilya Villar na land grabber dahil  inaako ang isang lupa na hindi naman pala kanila.

Ayon kay labor leader at senatorial candidate Atty. Luke Espiritu: “Hoy, Cynthia Villar, resolbahin niyo muna ang issues na sinasampal sa inyo ng lahat: Na kayo ay pamilya ng mga land grabber.”

Hindi naka-porma sa pangyayari ang kampo at mga “attack dog” ng senadora sapagkat ang lahat ng kanyang pambobola ay recorded sa simula hanggang sa matapos. Sino ngayon ang gumawa ng paninira?

Malinaw na ito’y ‘self-destruction’ ika nga ng ilang political analyst.

Nasundan agad  ito matapos ang araw ng  ‘Agaw lupa’ video na nag-trending rin at binansagan ng mga residente na “Lupa ng LRT1 amin” kung saan ipinagyabang muli ng senadora na kanila daw ang lupa na pagititirikan ng dalawang estasyon ng LRT1 Cavite extension mula Baclaran.

Nagulantang ang mga taong nakikinig sa speech ni Sen. Villar ng sambitin niya na ido-donate daw ng kanyang pamilya ang lupa sa LTR1 management pero wala namang maipakita na papeles o memorandum of donation ma magpapatunay na kanila nga ang lupain.

Dahil sa “boladas” ng senadora, naaantala tuloy ngayon ang konstrukyon ng natitirang tatlong estastyon ng LRT1 mula sa Sucat, Paranaque patunggong Niyog sa Bacoor, Cavite dahil sa pakikialam ng pamilya Villar sa plano ng gobyerno.

Ang ipinagtataka ng mga residente ng Las Pinas at karatig lungsod tulad ng Muntinlupa at Parañaque ay kung bakit  tila puro nalang tungkol sa lupa ang ang sinasambit sa mga talumpati ng senadora. Gusto nga ba talagang burahin ang Las Pinas at gawing Villar City?

Ang padabog na sagot ng pamilyang Aguilar sa masamang plano ng pamilya Villar ay” for your information senadora, hindi na Aguilar ang apelyido mo, isa ka nang Villar na sampid lang dito sa lungsod ng Las Piñas. Kaya pwede ba, huwag kayong bastos at mag siga-sigaan dahil dayo lang kayo”. (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *