Koalisyong Makabayan senatorial candidate Teddy Casiño
HINAMON ni Koalisyong Makabayan senatorial candidate Teddy Casiño si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ayusin ang dispalinghadong sistemang hustisya sa bansa upang makakuha ng hustisya ang mga biktima ng drug war ng rehimeng Duterte.
Ayon kay Casiño, libu-libong insidente ng patayan ang hindi nalutas at karamihan sa mga responsable ay malaya pa rin kaya kailangan aniyang ipakita ni Remulla na kayang panagutin ang mga nasa likod ng extrajudicial killings partikular sa mga kasong hindi naisampa sa International Criminal Court (ICC).
Pinuri niya ang pag-amin ni Remulla na ang kahinaan at nakompromisong justice system sa Pilipinas ang sanhi kaya hindi nakamit ng mga pamilya ng biktima ng Duterte drug war ang katarungan.
“Kaya panay pilit ni Duterte na magsampa ng mga kaso sa lokal na korte dahil kasabwat ang mga pulis at binabantaan ang mga piskal para hindi ituloy ang kaso. When prosecutors are under threat, how can they fight for justice? Kapag namamayagpag ang mga pagbabanta, walang case build-up, at walang kasong maisasampa sa korte,” wika ng senatorial candidate.
Naniniwala si Casiño na kapag napanagot ang matataas na opisyal ng pamahalaan sa kanilang mga kasalanan, saka lamang masasabi na gumagana ng maayos ang sistemang hustisya sa bansa.
“Only when we are able to hold those in the highest echelons of power accountable can we finally say that the justice system is working,” pagtatapos niya. (ROSE NOVENARIO)