Atty. Renee Co, Tagapagsalita at First Nominee ng Kabataan Partylist
BINATIKOs ni Atty. Renee Co, tagapagsalita at first nominee ng Kabataan Partylist, ang ipinagmalaki ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na ang paiba-iba niyang pahayag hinggil sa nakaambang International Criminal Court (ICC) arrest warrant laban sa kanya sa kasong crimes against humanity ay bahagi ng taktika at estratehiyang militar na napag-aralan niya sa Philippine Military Academy (PMA).
“Military strategy na pala ang Pagtatago, Pagtakas sa Pananagutan, at Pagsipsip sa mga nasa pwesto. Hindi po flex ang pag-amin na may backdoor deals at galawang sindikato pala ang public servants sa gobyerno,” tila pang-uuyam ni Co kay Dela Rosa.
Sinabi ni Co na ang aral sa mga kaganapan sa tunggaliang Marcos-Duterte ay huwag pagkatiwalaan ang mga taong ginagawang hanapbuhay ang puwesto sa gobyerno, sukdulang ilaglag ang kamag-anak gay ani Sen. Imee Marcos , at si Dela Rosa na sidekick ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Moral of the story: never trust people who make a living out of public office. Mukhang lahat ilalaglag nila basta makakapit sa pwesto—kamag-anak man ‘yan tulad ni Imee o mga sidekick tulad ni Bato. Kung para sa kanila ay madaling itapon ang mga kasabwat nila, paano pa kaya ang ordinaryong mamamayan?” ani Co.
“Kaya po, Kuya, three points po ang binibigay ng Kabataan kina Sen. Bato at sa mga Marcos at mga Duterte—mga maiingay na backstabber na puro walang ambag sa bayan. Kung eviction night ang Halalan 2025, sana ma-evict na itong mga politiko at dinastiya na tumatakbo lang para sa pansariling interes at pagpapayaman sa pwesto. Zero votes to save ang deserve nila,” pagtatapos ni Co. (ROSE NOVENARIO)