Fri. Aug 7th, 2026

📷: Altermidya | FB

 

TINUTULAN ni dating Bayan Muna Congressman at human rights lawyer Neri Colmenares ang pahayag ni VP Sara Duterte na pinapayagan umano sa batas ang paggamit ng alias o codenames sa mga dokumentong may kaugnayan sa confidential funds.

Isa si Colmenares sa pangunahing petitioner sa kasong isinampa sa Korte Suprema laban sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President.

Giil ni Colmenares, hindi legal ang paggamit ng pekeng pangalan bilang mga tumanggap ng pondo ng gobyerno.

Batay sa Commission on Audit – Department of Budget and Management (COA-DBM) Joint Circular 2015-1, kailangang may ebidensiya ng bayad para sa paggasta sa confidential funds.

Dapat magsumite ng patunay ang mga opisyal sa Intelligence and Confidential Fund Accounting Unit, na may pahintulot ng COA Chairman. Lahat ng pondo, kahit confidential, ay sakop ng auditing.

“No, it is not legal to use fake names as alleged recipients of public funds. The COA-DBM Joint Circular 2015-1 on Confidential Funds require proof of payment for disbursement of confidential funds. Under the law, a government employee must submit proof of payment and attest to the proper spending of public funds before the Intelligence and Confidential Fund Accounting Unit (ICFAU) upon authorization by the COA Chairman. Even confidential funds are subject to audit,” paliwanag ni Colmenares.

Nagbabala si Colmenares na ang pagtanggap sa katwiran ni VP Duterte ay maglalagay ng isang mapanganib na precedent para sa pananagutan ng gobyerno.

“Kung ito ay pinahihintulutan bilang isang depensa, kung gayon ang bilyun-bilyong piso sa confidential funds ay maaaring nakawin at ang pagkakakilanlan ng mga salarin ay mananatiling hindi kilala,” aniya.

“Ang paggamit ng alias o fake name sa mga opisyal na dokumento ng gobyerno ay malinaw na ilegal. Hindi ito tinatanggap ng batas dahil dito nagsisimula ang korapsyon at pagtatago ng katotohanan mula sa taumbayan,” dagdag niya.

Nangyari na aniya ito sa kaso ng pork barrel scam queen Janet Napoles na gumamit ng mga pekeng pangalan, kumuha ng mga pangalan sa phone directory bilang mga umano’y benepisyaryo ng bilyun-bilyong piso gayong ni isang kusing ay wala silang tinanggap na ayuda.

“This was done in the Napoles Php 10 B scam where fake names and names from the phone directory were used as supposed beneficiaries of billions of pesos when in fact they did not receive a single centavo of ayuda,” ani Colmenares.

Matatandaan noong Disyembre 2023, si Colmenares kasama ang mga kinatawan ng Makabayan bloc ay naghain ng petisyon sa Korte Suprema na kumukuwestyon sa constitutionality ng P125 milyong confidential funds na tinanggap ng Office of the Vice President noong 2022.

Layunin ng petisyon na ideklara na ang pagbigay at paggamit ng naturang pondo ay “unconstitutional and void” at nanawagan sa COA na magsagawa ng full audit at ibalik ito sa kaban ng bayan.

“Art. 218 and 219 of the Revised Penal Code punishes with Prision Correccional any public official who refuses or fails to render an accounting of public funds in her custody “

“Public officials must be held to the highest standards of transparency. Using fake names in financial documents is not only illegal, it is a gross insult to the Filipino people who demand accountability for every centavo of public money,”giit ni Colmenares.

“Nananawagan kami sa sambayanang Pilipino: Ipaglaban natin ang karapatan ng mamamayan na malaman kung saan napupunta ang pondo ng bayan. Hindi dapat tinatanggap ang palusot na ‘confidential’ kung may tinatago o nilalabag na batas,” wika niya.

“Kahit sinong binigyan ng pondo ng tao, ay kailangan mag accounting nito.” (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *