PINAG-AARALAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panawagang ipagbawal nang lubos ang online gambling sa bansa, kasunod ng lumalalang pangamba sa epekto nito sa lipunan at ekonomiya.
Sa isang press briefing sa Malacañang nitong Martes, iginiit ni Press Officer Claire Castro ang maingat na pagsusuri ng Pangulo sa isyu. “Ang mga desisyong ganito po ay hindi dapat minamadali,” ani Castro. “Kapag ipinagbawal ang legal na operasyon, posibleng lumaganap ang mga ilegal na online gaming site na mas delikado sa ekonomiya at mamamayan.”
Nauna nang iminungkahi ng Department of Finance ang pagbubuwis sa online gambling industry, bagay na bukas naman sa pagtalakay ng Pangulo.
Ngunit ilang mambabatas ang nananawagan ng ganap na pagbabawal, at umaasa silang ihahayag ni Marcos ang kanyang posisyon sa darating na State of the Nation Address sa Hulyo 28.
Samantala, ipinagtanggol ng nangungunang mga operator gaya ng Solaire Resort, Newport World Resorts, at Okada Manila ang kanilang mga regulated online operations, na anila’y responsable at bahagi ng kanilang casino services.
Binanggit ng grupo ang mga mekanismong pangkaligtasan gaya ng self-exclusion, limitasyon sa deposito, at account restrictions—pati na ang suporta para sa mga may suliranin sa pagsusugal.
Nag-ulat din ang tatlong kompanya na bawat isa’y nag-invest ng hindi bababa sa $1 bilyon upang palakasin ang sektor ng turismo ng Pilipinas, at naglalaan ng 2 porsyento ng kita mula sa pagsusugal para sa mga proyekto ng iba’t ibang foundation.
Sa isang naunang pahayag, nanawagan ang Licensed Online Gaming Operators of the Philippines ng mas mahigpit na regulasyon sa halip na total ban.
“Prohibition does not erase online gaming,” anila.
“It only erases the safeguards that protect the Filipino people.” (ROSE NOVENARIO)