PAG-AARALAN ng Malakanyang ang pagsasampa ng kaso laban sa isang “journalist” na nagpapakalat ng fake police report kaugnay sa pagkamatay ng negosyanteng si Paolo Tantoco bunsod ng “cocaine effects” noong 8 Marso 2025 sa US at iniuugnay si First Lady Liza Araneta-Marcos.
“Pag-aaralan po iyan. Mukhang napapanahon po pero pag-aaralan po. Hindi po dapat manatiling ganito na dahil isang journalist o isang parte ng media nagsasabi ng kasinungalingan, maaaring paniwalaan ng mga kapuwa nating Pilipino. So, nakakalungkot po iyon at medyo nakakahiya,” sabi ni Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Palasyo.
Kumalat sa social media ang kopya ng umano’y Beverly Hills Police Department report na nagsaad ng mga detalye sa pagkamatay ni Tantoco at ipinatawag umano sa himpilan ng pulisya ang mga kasama niya na sina Dina Arroyo Tantoco, Liza Araneta Marcos at Alexa Miro para kuwestiyonin.
Hinimok ni Sen. Imee Marcos ang Palasyo na maglabas ng komprehensibong ulat hinggil sa sa pagkamatay ni Tantoco at ang kinaroroonan ng Unang Ginang nang mangyari ito.
“So, huwag po tayo kasi maniwala masyado sa drama, sa gimik, gawa-gawang kwento. Siguro din tayo po, bilang miyembro ng media, kaya din po natin alamin kung ano ba talagang katotohanan. So, sinasabi ko na po, iyang police report na iyan is a fake document,” sagot ni Castro.
Hindi aniya apektado ang First Lady dahil ang katotohanan ay nasa records.
Ang dapat aniyang mabahala ay ang mga nagpapakalat ng fake news para gibain ang adnministrasyon.
“Wala pong ikinababahala ng Unang Ginang, dahil alam po niya ang katotohanan at makikita mismo ang mga records na iyan. So, ang dapat mabahala dito iyong mga naninira sa kanila dahil hindi nila magigiba sa gamit na ito ng mga fake news na ito ang administrasyong na ito,” giit ni Castro. (ROSE NOVENARIO)