Fri. Aug 7th, 2026

MULING nahalal si Senate President Francis “Chiz” G. Escudero bilang pinuno ng 24-miyembrong Senado nang ito’y pormal na nagtipon nitong Lunes (Hulyo 28) para sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso.

Sa kanyang talumpati, nangako siyang pamumunuan ang institusyon nang may pagkakaisa, integridad, at masigasig na paglilingkod para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Matapos makuha ang 19 boto na nagpatibay sa kanyang posisyon—isang papel na unang isinakatuparan noong Mayo 2024—nagpasalamat siya sa kanyang mga kapwa senador sa patuloy na tiwala at kumpiyansa sa kanyang liderato.

Hinimok niya ang mga mambabatas na lampasan ang pagkakahati-hating pampulitika at magkaisa para sa mga layuning gaya ng pagpapababa ng gastusin sa pamumuhay, pagpapabuti ng edukasyon at kalusugan, paglikha ng mga trabaho, at pagtatatag ng matibay na pisikal at legal na pundasyon upang lahat ng Pilipino ay makinabang sa kaunlaran.

“Kami’y narito para paglingkuran ang bayan—ginagabayan ng konsensya, pinatatatag ng paninindigan, at pinalalakas ng tapang,” ani Escudero, na kauna-unahang Bikolano na naging Pangulo ng Senado.

Bilang tagapagtanggol ng Senado laban sa ingay at pansamantalang sigaw ng popularidad, iginiit ni Escudero ang kahalagahan ng mahinahong pagganap ng tungkulin, lalo na sa panahong pinangungunahan ng social media at reaksiyunaryong politika.

“Hindi tayo dapat yumuko sa ingay ng karamihan. Hindi tayo palulupig ng pinakamalalakas na tinig,” aniya. “Ipinaglalaban natin kung ano ang tama, makatarungan, at naaayon sa Rule of Law at Konstitusyon.”

Binibigyang-diin niya rin ang halaga ng pagtutol at pag-iingat sa demokratikong diskurso. “Ang hindi natin pagkakasundo ay hindi nangangahulugang tama ka at mali ako, o vice versa. Walang may monopolyo ng magagandang ideya at pagmamahal sa bayan,” sabi niya. “Hayaan nating ang kasaysayan ang humusga, sapagkat laging malinaw ang hindsight.”

Idiniin ni Escudero ang paniniwala sa kolektibong pamumuno, at sinabi na walang sinuman, kabilang ang kanyang sarili, ang may ganap na kontrol sa direksyon ng Senado. “Ito ay isang kolektibong katawan, at ang lakas nito ay nasa balanse, hindi sa malakas na hampas ng martilyo,” aniya.

Kabilang sa binigyang-priyoridad na batas ay ang mga makabuluhang hakbang para sa pangkaraniwang Pilipino—mula sa pabahay at sahod hanggang edukasyon, kalamidad, at pambansang seguridad.

“Bawat aksyon, bawat batas, dapat dumaan sa isang tanong: Makakatulong ba ito sa ordinaryong Pilipino? Ito ang ating tungkulin. Ito ang ating mandato.”

Hinimok niya rin ang Senado na isantabi ang mga partidong kulay at magkaisa sa mga simbolo’t pagpapahalagang nagbubuklod sa bansa.

“Noong halalan, sari-saring kulay ang kinatawan natin… Ngunit tapos na ang eleksyon. Panahon nang palitan natin ang kulay ng kampanya ng kulay ng bayan.”

Inilarawan niya ang watawat ng Pilipinas bilang moral na gabay:

– Asul: sagisag ng lahing Pilipino—may dangal, may paninindigan, at hindi kailanman palulupig

– Puti: sagisag ng pagkakapantay-pantay at katarungan

– Dilaw na araw at mga bituin: sagisag ng mataas na mithiin at pag-asa

– Pula: sagisag ng kahandaang lumaban, kung kinakailangan, alang-alang sa kasarinlan

“Paalala ang watawat: Hindi tayo narito para sa sarili nating kapakanan, kundi para maglingkod—buong dangal, buong puso, at buong katapatan—sa minamahal nating bayan.”

“Isagawa natin ang kolektibong tungkuling ito nang may pagpapakumbaba, integridad, at layunin habang binubuksan natin ang bagong kabanata ng Senado,” pagtatapos ni Escudero. (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *