Fri. Feb 13th, 2026

Pormal nang inihain ng isang homeowners’ association sa Bagumbong, Caloocan City ang petisyon sa National Water Resources Board (NWRB) para kanselahin ang Certificate of Public Convenience (CPC) ng PrimeWater Infrastructure Corp., dahil sa ilang taong serbisyo na anila’y palpak.

Muling pinasigla ng hakbang na ito ang panawagan ng mga grupong adbokasiya na ihinto ang pribatisasyon ng mga pangunahing serbisyo, na patuloy umanong binibigo ang mga mamamayang Pilipino.

Isinumite ng Tierra Nova Homeowners Association Inc. (TNHAI) ang petisyon na may kalakip na pirma mula sa karamihan ng mga kabahayan sa subdivision.

Inilatag nila ang mga reklamo laban sa PrimeWater, kabilang ang “hindi maaasahan, mababang kalidad, mahina ang presyon, at sobrang mahal” na serbisyo sa tubig.

Binatikos din ng grupo ang NWRB sa patuloy nitong pag-apruba sa CPC renewal at taas-singil sa kabila ng mga reklamo.

“Hindi lang ito lokal na reklamo—testamento ito sa kapalpakan ng pribatisasyon,” ayon kay Liza Santos, tagapagsalita ng Water for the People Network (WPN).

“Pinatitibay ng kaso sa Caloocan ang pambansang kampanya para ibalik sa publiko ang kontrol sa serbisyo ng tubig. Hindi dapat gawing negosyo ang batayang pangangailangan.”

Pinamumunuan ng negosyanteng si Manuel Paolo Villar mula sa makapangyarihang pamilya Villar, ang PrimeWater ay nahaharap na rin sa mga kahalintulad na petisyon sa iba’t ibang lugar. Iginiit ng WPN na hindi lang PrimeWater ang may ganitong problema—binanggit din nila ang mga joint venture agreement (JVA) ng mga oligarkang kumpanya gaya ng Maynilad (Pangilinan group), Manila Water (Enrique Razon), at PAMANA (Lucio Co), na pinatatakbo bilang mga “investment-recovering businesses” sa kapinsalaan ng mga konsyumer.

“Serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo,” giit ni Santos. “Karapatan ang tubig, hindi produkto. Nilalabag ng gobyerno ang karapatang ito sa pagpupursige ng pribatisasyon, at iniiwan ang mga mamamayan sa kamay ng mga korporasyon.”

Suportado ang petisyon ng iba’t ibang grupong adbokasiya at konsyumer, kabilang ang Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan, Kalipunan ng Damayang Mahirap, Center for Environment Concerns, Bagong Alyansang Makabayan, at IBON Foundation.

“Nanawagan kami sa NWRB na pakinggan ang mga taga-Tierra Nova at lahat ng komunidad na naghihirap sa ilalim ng pribatisadong serbisyo sa tubig,” ayon kay Ramon de Guzman, miyembro ng TNHAI board. “Karapat-dapat kaming magkaroon ng maaasahan, abot-kaya, at may pananagutang serbisyo sa tubig—hindi kapabayaan ng mga korporasyon.”

Nangako ang mga grupo na palalakasin pa ang kampanya, at nananawagan sa mga lider ng bansa na muling pag-isipan ang pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo, at unahin ang kapakanan ng mamamayan kaysa sa tubo ng negosyo. (ROSE NOVENARIO)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *