Nanawagan ang human rights group na Kapatid sa bagong talagang hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Gen. Melencio Nartatez Jr. na agad na wakasan ang mga patakarang nagpapalaganap ng impunidad, simula sa kontrobersyal na quota-based arrest system na ipinatupad ng sinibak na si Gen. Nicolas Torre III.
Ang panawagan ay kasunod ng biglaang pagtanggal kay Torre sa puwesto, isang hakbang na sinasabing bahagi ng “musical chairs” na estilo ng pamumuno sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Ayon sa ulat, sinibak si Torre matapos umanong balewalain ang isang resolusyon ng National Police Commission (NAPOLCOM) na bumabaligtad sa ilang mga appointment niya. Gayunpaman, nananatiling hindi malinaw ang kabuuang dahilan ng kanyang pag-alis.
Binanggit din ng Kapatid ang simbolikong pagbabalik sa tradisyon ng pagtalaga ng mga graduate ng Philippine Military Academy (PMA) sa pinakamataas na posisyon sa PNP, matapos ang ilang buwan ng pagbibigay-daan sa mga alumni ng PNP Academy.
Sa kanilang pahayag, iginiit ng Kapatid na ang quota arrests ay hindi solusyon sa krimen kundi nagpapalala lamang ng siksikan sa mga kulungan at nagpapalaganap ng maling hustisya. “Ang quota arrests ay laro ng bilang, hindi ng katarungan,” ayon sa grupo.
Mariin ding kinondena ng Kapatid ang patuloy na paggamit ng gawa-gawang kaso at tanim-ebidensya, lalo na ng mga baril, bilang taktika upang patahimikin ang mga aktibista.
“Panahon na upang wakasan ang script ng kriminalisasyon ng aktibismo,” giit ng grupo. “Panahon na rin upang tuparin ng PNP ang mga prinsipyong pangkarapatang pantao na paulit-ulit nitong ipinagmamalaki.” (ROSE NOVENARIO)