Fri. Nov 22nd, 2024

MATAPANG na humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kahapon ang aktres na si Maricel Soriano, kilala bilang “Diamond Star” at Maria sa mundo ng showbiz, kaugnay sa “PDEA Leaks” motu propio probe ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Iniuugnay kasi ang isang condominium unit sa Rockwell sa Makati City na pagmamay-ari ni Maria sa umano’y paggamit nila ng illegal drugs ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at isa pang non-showbiz personality noong 2012.

Kalmado sa kanyang pagsagot si Maria sa mga katanungan ni dela Rosa, lalo na sa pag-amin na dati niyang property ang nasabing condo unit pero naibenta na rin niya.

Malumanay  rin niyang binasa ang kanyang statement sa harap mismo ng nag-akusa sa kanyang si Jonathan Morales, dating ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)

Sa bigat ng paratang kay Maria bilang dating “ka-jamming” ni Marcos Jr., marami ang humanga sa katatagan ng kanyang dibdib na dumalo sa Senado.

Taliwas ito sa pugante at alleged sex offender na si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na saksakan ng tapang sa harap ng camera ng SMNI, bahag naman ang buntot sa pagdalo sa Senado para harapin ang mga nag-aakusa sa kanya.

Sa kabila ng tinatamasang yaman at katanyagan, mas pinili pa ni Quiboloy na mamuhay bilang pugante at napapaligiran ng kanyang armadong puwersa.

Ngunit hindi malayong mangyari na sapitin ni Quiboloy ang nangyari kay convicted child rapist at dating Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jalosjos na nagtago sa  Bagac, Bataan nang lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya noong 1997.

Naging kontrobersyal ang kaso ni Jalosjos kaya mismong si noo’y Pangulong Fidel V. Ramos ang nag-utos na dakpin siya at napaulat na isang grupo pa mula sa Presidential Security Group (PSG) ay naging bahagi ng arresting team.

Bakit nga ba hindi posibleng mangyari ito kay Quiboloy, tatlong sangay ng pamahalaan ang kanyang binastos.

Ang lehislatura, nang hindi siya dumalo sa mga imbestigasyon ng Mababang Kapulungan kaugnay sa mga kuwestiyon sa kanyang SMNI media group, at sa Senado, hinggil naman sa mga umano’y sex crimes sa loob ng KOJC.

Habang sa hudikatura, may warrant of arrest na inilabas ang mga hukuman sa Pasig City at Davao City laban kay Quiboloy sa mga kasong trafficking at child abuse.

Sa ehekutibo, nakikipag-hide-and-seek siya sa mga miyembro Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na nanggigigil na isilbi sa kanya ang arrest warrant.

Hihintayin pa ba ni Marcos Jr. na maging “pambansang kahihiyan” sa kanyang administrasyon ang pagkabigong madakip ang KOJC leader?

Kailangan pa ba niyang hintayin na lumapag  sa mesa ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang extradition request ng Amerika laban kay Quiboloy para panagutin sa mga kasong sex and human trafficking,marriage fraud, coercion, money laundering, cash smuggling sa Amerika bago siya kumilos na mala-FVR kay Jalosjos?

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *