Sun. Mar 15th, 2026

Nagsimula sa isang “pagkagulat” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., pero ang tunay na tanong,  bakit ngayon lang?

Tatlong taon siyang tahimik habang nilulunod ng baha ang bansa at nilalamon ng korapsyon ang pondo ng bayan.

Ngayon, bigla siyang nagsumbong na “nabudol”?

Hindi ito simpleng pagkakamali, ito’y patunay ng kawalan ng kakayahan at lideratong bulag sa sariling bakuran.

Bilyun-bilyong pisong confidential at intelligence funds ang dumaan sa kanyang administrasyon, ngunit paano ito ginasta?

Paano siyang nalusutan ng mga mandarambong kung siya ang may hawak ng timon?

Kung may command responsibility, siya ang unang dapat managot.

Habang binabaha ang mga komunidad, binabaha rin tayo ng propaganda.

Paano maniniwala ang taumbayan sa “anti-corruption” crusade ni Marcos Jr. kung mismong pamilya niya ay hindi binabayaran ang ₱203-B estate tax na matagal nang pinagtibay ng Korte Suprema?

Hindi rin kapani-paniwala ang kanyang paninindigan kung tutol siya sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, na hanggang ngayon ay hindi maipaliwanag ang paggasta ng daan-daang milyong confidential funds sa DepEd at Office of the Vice President.

Kung talagang laban sa korapsyon, bakit tila may pinipili?

Dalawang malalaking isyu ng korapsyon ang nasa harap nila, pero kung patuloy ang pag-iwas, malinaw na hindi ito paglilinis ng gobyerno, kundi paligsahan kung sino ang susunod na pinuno ng cartel ng mga political dynasty sa 2028.

Hindi sapat ang pagkahol sa magnanakaw kung ang sariling bakuran ay puno ng basura.

Kung gusto ng taumbayan ng tunay na pagbabago, dapat nating singilin hindi lang ang mga magnanakaw, kundi pati ang mga nagpapalusot, nagtatakip, at nagpapanggap na nabiktima.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *