📷: Villar Coliseum
Ni Zia Luna
Sa Las Piñas, parang may bagong koleksyon si dating Senadora Cynthia Villar: hindi mga libro, hindi mga painting, kundi mga proyektong pambayan, lahat ay parang personal niyang trophy.
Mula sa Las Piñas-Zapote River Drive, Las Piñas General Hospital at Satellite Trauma Center, hanggang sa Las Piñas-Parañaque Wetland Park at mga multi-purpose halls sa barangay, halos lahat ng proyekto ng gobyerno ay may imprint na Villar. At teka, pera ng gobyerno at taxpayers ang ginamit. Parang magic: pera ng bayan + Villar = political credit.
“Sa una, proyekto 100% accomplished. Sa pangalawa, iniwan sa kalagitnaan. Sa pangatlo, basta na lang iniwan at binalewala. Parang collectible card game, pero sa halip na cards, proyekto ng bayan ang binibili para sa political trophy!” ayon sa isang city councilor.
Take the Las Piñas-Zapote River Drive, halimbawa. Idinisenyo para ayusin ang daloy ng ilog at trapiko, pero sa promo materials, parang si Villar ang nag-swing ng magic wand.
Ang ginastos na higit ₱2.5 billion sa pagpapagawa ng flood control project sa Las Piñas-Zapote River Drive, kasunod ng pagbaha sa Barangay Pulanglupa Dos, galing ba ito sa sariling bulsa ni Villar?
Ngayong wala na siya sa puwesto, akala mo kung umasta, parang siya ang nagpagawa, at hindi ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Madalas magpa-interview si Aling Cynthia, pero kapag usapan na sa bilyun-bilyong pondo para sa River Drive, biglang nagiging deadma mode. Hindi raw malinaw ang direksiyon ng proyekto, pero teka, hindi kaya’t imbes na dumiretso sa ilog, lumiko ito papasok sa Villar City at nag-‘shortcut’ pa hanggang sa gate ng kanilang mansyon sa BF Resorts Village?”
Ganun din sa General Hospital at Satellite Trauma Center,public health project o campaign material in disguise?
Galing mismo sa bibig ng dating senadora, naglaan ang gobyerno ng ₱500 milyon para pondohan ang pagpapalawak ng Las Piñas General Hospital, mula sa kasalukuyang 200 kama hanggang sa 500 kama.
Noong Marso ngayong taon, inihayag ng DPWH na may pinagsamang halaga na ₱791.53 milyon, itinayo ito ng DPWH Las Piñas–Muntinlupa District Engineering Office sa limang yugto mula pa noong 2021. Ang tanong ng mga residente: pera ba ni Villar ang halos ₱800 milyon para sa ospital?
Kung galing sa gobyerno ang pondo, hindi niya puwedeng akuin ang pasilidad. At porket naging DPWH Secretary ang kanyang anak na si Mark, pwede na bang mapasakanya ang nasabing general hospital? Isang malinaw na kasakiman.
Hindi rin nakaligtas ang Wetland Park. Isang environmental project na dapat pangalagaan ang biodiversity at bawasan ang baha. Pero sa publicity, Villar na naman ang bida. Ang mga residente? Nasa background lang, kasama ng mga ducks at flood-prone na lugar.
Ang tanong ni Juan de la Cruz, “Kung proyekto ng bayan ang ginagamit para sa political mileage, sino ba talaga ang nakikinabang? Ang tao o ang dynasty? Ang sagot: Para sa Villar, siyempre. Para sa mamamayan? Eh, hanggang selfie lang.”
At hindi lang iyan. Halos lahat ng multi-purpose halls sa barangay ay nagiging stage para sa political photo ops: ribbon cutting, cake cutting, at walang kamatayang selfie. Ang taxpayers? Sila ang nagbayad para sa ‘props’ ng photo shoot.
Pero ang pinaka-kabog: ang pagbansag ng pamilya Villar sa isang government-constructed sports venue sa Alabang-Zapote Road bilang “Villar Coliseum.” Aba, hindi ba’t ito na ang epitome ng ka-epalan? Pininturahan pa ng kahel para matchy-matchy sa branding.
At teka lang, kailan pa naging tradisyon na ipangalan sa buong pamilya ang isang government facility habang lahat sila ay buhay na buhay at aktibo pa sa politika? Karaniwan, binibigyan ng ganoong parangal kapag yumao na ang isang philanthropist, negosyante, o politiko bilang pagkilala sa kanilang lifetime legacy. Pero sa Villar brand, parang fast food, serve agad, pangalan agad, kahit hilaw pa.
Sa Las Piñas, tila may bagong motto:
“Kung proyekto ay pambayan, credit ay sa Villar!”
Panawagan ni Juan at iba pang kritiko, transparency at accountability.
“Hindi kami laban sa proyekto. Laban kami sa project appropriation na nauuwi sa personal trophy. Para sa tao ang pera, hindi para sa political Instagram post!”
Sa gitna ng lahat ng ito, tanong ng publiko, hanggang kailan maaangkin ng Villar family ang bawat infrastructure na pera ng taxpayers? At kailan makikita ng mamamayan na ang kanilang bayad ay tunay na serbisyo, hindi trophy?
At sa huli, isang paalala sa lahat ng politiko, ang pera ng bayan ay hindi souvenir. Hindi ito collectible card para sa campaign season. Hindi rin ito magic wand na nagiging pangalan mo sa lahat ng projects.