Sun. Mar 15th, 2026

Ni Diego Morra

 

Maling-mali si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung inaakala niya na ang pagsibak kay Public Works Secretary Manuel Bonoan at paglalagay kay Transportation Secretary Vivencio “Vince” Dizon bilang kapalit ay maaapula ang sunog sa kanyang gobyerno na siya mismo ang nagsindi. Nakikita na marahil ng 116 milyong Pilipino na tumpak ang pagtantiya nang marami na puro “ouido” ang galaw ng Malakanyang kaya sintunado ang mga himig at palpak ang mga desisyon, mula sa pag-angkat ng asukal, bigas, hanggang sa “revolving door” na pagtatalaga ng mga pinuno ng Philippine National Police (PNP.)

Maaaring mahalimuyak si Hizon sa ngayon subalit gaya nang inaasahan, may “expiry” ang mga kasapi ng Gabinete, lalo pa’t may paksyon-paksyon sa Malakanyang at lumiliwanag na ngayon na ang Unang Ginang Liza Cacho Araneta Marcos ay may ambag sa mga desisyon sa paglalagay at paglilipat ng mga tao sa Gabinete, tulad na lamang ng di-maintindihang palit-palitan ng kalihim ng Presidential Communications Office (PCO). Ayon sa mga ulat, kinausap ni Liza ang tinanggal na si Heneral Nicolas Torre III upang ilagay sa ibang posisyon kahit na ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla na walang anumang sala si Torre. Nakatutuwa ang rehimeng ito, sinisipa ang walang atraso.

Kung pumirma kaya si Torre sa liham na humihiling na bumili ng 80,000 assault rifles para sa PNP, siguradong hindi siya maaalis sa Kampo Crame. Dinakila si Torre sa nakaraang SONA ni Marcos Jr. subalit makalipas ang isang buwan ay itinapon ang sikat na heneral sa kangkungan. Dinakila rin ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa isa sa kanyang napakaraming SONA si Heneral Jovito Palparan subalit kinasuhan, nilitis at napatunayang nagkasala kaya sa Bilibid pinulot. Noong nakaraang SONA ay ibinida rin ni Marcos Jr. ang ibinalita ni Sen. Mark Villar na 13,400 “flood control projects” tinapos niya bilang kalihim ng DPWH, patunay na saksakan siya nang sipag. Di rin naman mahuhuli si Marcos Jr. dahil mula Hulyo 2022 hanggang Hulyo 2025 ay 9,855 na kagayang proyekto rin ang inilunsad at natapos.

Sa madaling sabi, napakatayog ng ambisyon ng magkasunod na rehimeng Duterte at Marcos Jr. na itaguyod ang kanilang programa sa imprakstruktura. Si Duterte ay may “Build, Build, Build” at itong si Marcos Jr. naman ay “Build Back More.” Hindi nakapagtataka na malaki ang tiwala ni Marcos Jr. na mga expressways, tulay, airports at seaports and kailangan ng bansa. Ganyan din naman ang ginawa ng kanyang ama simula 1965, ang gamitin ang Japanese reparations at napakaraming pautang ng World Bank (WB) at International Monetary Fund (IMF) upang sementuhin ang buong bansa. Subalit namangha ang mga Hapon kung bakit 15% ng pondo ay naglalaho hanggang inamin ng dating Department of Public Works (DPW) na 15% ang nauuwi kay Marcos. Tinawag ng mga Hapon ang sistema nila Marcos, Roberto Benedicto at Baltazar Aquino na “marukosu giwaku,” isang malaswang sistema na pagbibigay ng kickbacks. Hindi bababa sa 35 korporasyong Hapones pinagkitaan sa sistemang ito.

May “business model” na para sa 15 kontratistang tinagurian ni Marcos Jr. na siyang nangulimbat sa di-bababa sa 20% ng kabuuang P585 bilyon na ginastos mula 2022 hanggang ngayong taon. Hindi na dapat magtaka si Marcos Jr. sa sistemang ito dahil ang kurakutan ay nagsimula pa noong 1965 nang siya ay musmos pa lamang. Bilang dating kongresista sa Ilocos Norte, alam ni Marcos Jr. kung paano humanap ng pondo para sa kanyang mga proyekto. Lumitaw sa mga dokumento ng Department of Budget and Management (DBM) na si Marcos Jr., bilang kongresista, ang nagkapagtala ng pinakamaraming proyekto. Ito ay patunay na liban sa kanyang gawain na magpanukala ng batas, magaling din siya na maghanap ng pondo upang gumawa ng mga lansangan, multi-purpose pavements na patuyuan ng palay at makinarya para sa taniman ng tabako, palay, bawang at luya, at pati na sa mga gunagawa ng bagnet, empanada at longganisa.

Kung tutuusin, proyektong imprakstruktura lamang ang pinakamalaking pagkukunan ng salapi upang gumulong ang mga gawain taun-taon. Ito rin ang batis ng kabuhayan ng mga kontratista sapagkat sa halip na DPWH ang gumawa, ipinapasa na lamang sa pribadong sektor ang mga proyekto. Kung gobyerno nga naman ang gagawa, masisipat nang husto at mabubuko ang raketan. Kapag nauwi sa mga kontratista, nakatakda na ang pagtipak-tipak sa pondo, mula sa “standard operating procedure” (SOP) sa LGUs, ang bahagi ng COA at DBM at naturalmente, ang para kay kongresista at senador. Walang bago sa mga pagtuligsa sa anomalya sa DPWH sapagkat ang nabago lamang ay ang paglobo ng appropriations at insertions dahil bilyun-bilyon na ang nauuwi sa pandarambong. Sa sistema na hindi naparurusahan ang mga kawatan dahil sa mismong gobyerno ay hindi tinitingnan ang mga proyekto, patuloy ang ganitong nakawan.

Gaya ng sinasabI ng mga pantas sa Aduana na “kahit si Kristo pa ang ilagay sa Customs ay bulok pa rin ang ahensiya.” Dahil bumagsak raw ang kita ng Customs ay sinipa ang dating pinuno nito kahit na ang dahilan ay pinababa ang taripa sa inangkat na bigas. Hindi kasalanan ng Customs na tatastasin ang taripa sa bigas subalit kailangang may “fall guy.” Hindi na kailangang maulit ang 40 araw sa ilang upang magwagi ang diablo. Mismong ang sistema ng operasyon ng gobyerno ang nag-uudyok na patingkarin ang “graft” sapagkat walang kontrol sa paghugis ng mga proyekto, wala ring kontrol sa galaw ng “bicameral conference committee” na nagtatastas sa General Appropriations Act (GAA) at pinapalitan ang mga proyekto para mabiyayaan ang pinapaboran na probinsya, lungsod o munisipyo, isinisingit ang gawain para sa kanilang katotong kontratista, himay-himayin ang proyekto sa samu’t saring “phases” upang lumaki ang budget at pagkikitaan.

Iyan ang “political economy” ng “graft” na siyang nagpayaman sa mga “political dynasties” kakutsaba ang mga kontratista. Subalit wala sa “job description” ng mga senador at kongresista na makisawsaw sa gawaing publiko sapagkat ang tanging tungkulin ng mga mambabatas ay gumawa ng batas, baguhin ang batas kung ito ay hindi na akma sa kalagayan ng lipunan o kaya ay ibasura ang mga batas na winawasak ang kabuhayan ng mga mamamayan, gaya ng Rice Liberalization Law (RLL). Simula nang itinatag ng mga Amerikano ang Philippine Assembly noong 1907, natuto ang mga kakosa ng Kano na humabi ng batas na pabor sa imperyalistang interes at noong 1920 ay tuluyan nang nauso ang sistemang “pork barrel” na ipinamana ng mga Kano sa kanilang kaalyado.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *