Sun. Mar 15th, 2026

Nang tawagin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong”Marcos Jr. na “malawakang kabiguan” ang programa sa flood control ng bansa, isang pangalan ang lumutang agad, Henry Alcantara, dating district engineer ng DPWH Bulacan.

Siya ang umamin sa pag-apruba ng mga ghost project, sa kapabayaan, at sa paglustay ng daan-daang milyong piso sa mga casino sa Maynila.

Pero hindi lang ito tungkol sa isang tiwaling opisyal, ito’y tungkol sa sistemang nagluklok at nagprotekta sa kanya. At ang sistemang iyon ay may pangalan, Senador Mark Villar.

Noong 2019, si Villar bilang kalihim ng DPWH ang naglabas ng Special Order No. 92 para italaga si Alcantara sa Bulacan First Engineering District, ngayon ay sentro ng pinakamalaking iskandalo sa flood control.

Hindi aksidente ang appointment, desisyon ito ni Villar.

Ngunit habang nagaganap ang mga pagdinig sa Kongreso, nananatiling tahimik si Villar, kahit pa umamin si Alcantara sa pag-apruba ng mga proyektong hindi niya mismo ininspeksyon.

Inamin ni Alcantara na pumupunta siya sa casino dalawa hanggang tatlong beses kada buwan, gamit pa minsan ang pekeng ID. Hindi sapat ang sahod ng isang engineer sa gobyerno para sa ganitong lifestyle.

Samantala, inaprubahan niya ang proyektong tulad ng ₱55-milyong river wall sa Baliuag—na mismong tinawag ng Pangulo na “ghost project.”

Mahigit ₱49 milyon ang binayaran ng gobyerno para sa istrukturang hindi naman umiiral.

Sa ilalim ng pamumuno ni Villar, lumobo ang pondo para sa flood control.

Bilyon-bilyon ang inilaan sa mga proyektong kulang sa oversight, at may mga kontratistang umano’y malapit sa pulitiko ang nakakuha ng kontrata sa iba’t ibang rehiyon.

Sa opisina ni Alcantara pa lang, may 28 kontratang halos pare-pareho ang halagang ₱72 milyon bawat isa.

Sa unang tingin pa lang, hindi ito basta kapabayaan, ito’y mukhang blueprint ng pandarambong.

Ibinunyag ni resigned DPWH Secretary Manuel Bonoan na hindi na-turn over ni Villar ang flood control masterplan ng administrasyong Aquino.

Sa halip na sundan ang ₱351-bilyong plano, naging kalat-kalat ang mga proyekto sa ilalim ni Villar, marami sa mga ito ngayon ay iniimbestigahan.

Ang pag-angat at pagbagsak ni Alcantara ay sintomas ng mas malalim na kabulukan, na nagsimula sa itaas.

Si Senador Mark ang namumuno sa Senate Committee on Public Works. May kapangyarihan siyang mag-imbestiga, pero may obligasyon din siyang magpaliwanag.

Nakabibinging katahimikan ang kanyang tugon. Karapatan ng publiko na malaman: Bakit siya ang nagtalaga kay Alcantara? Ano ang naging oversight? At paano nawala ang bilyon-bilyong pondo sa ilalim ng kanyang pamumuno?

Kung si Alcantara ay inihalintulad sa naging papel ni Janel Lim-Napoles sa pork barrel scam, sino naman kaya ang ka-level ni Senador Mark, si Johnny, si Jinggoy o si Bong?

Kailangan lumabas sa kalye ang mga mamamayan sa Setyembre 21 upang ipakita sa buong mundo ang ngitngit laban sa malawakan at sistematikong korapsyon sa pamahalaan gaya ng Million People March sa Luneta noong Agosto 26, 2013 bilang pagkondena sa ₱10-bilyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam na kinasangkutan ni Napoles at ilang mambabatas.

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *