Sun. Mar 15th, 2026

Ni Diego Morra

 

Kung sinuman ang nakaisip na gawing casus belli ng Malacanang ang mga palpak na flood control projects (FCPs) bilang tuntungan upang wakwakin ang pananalasa ng mga mangungurakot sa pamahalaan ay hindi masinop na limitahan ang usapin at tumbukin ang mga lisyang FCPs sa panahon ng rehimen ni Rodrigo Duterte.

Binuksan ni Ferdinand Marcos Jr. ang Pandora’s box na sasapul hindi lamang sa mga kontratistang pinayaman nila Duterte kundi pati na rin ang mga negosyanteng nakaposas ang interes sa mga mambabatas at burukrata ng kasalukuyang pamahalaan. Sa pagsusuri sa mga isyung nagsulputan bago ang kanyang pinakahuling State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang Hulyo, makikita na maaaring sinisipat ni Marcos Jr. si Sen. Mark Villar na nag-ulat pa sa kanya hinggil sa 13,917 FCPs mula 2016 hanggang Marso 2022.

Naunang binakbakan ng Malakanyang ang Primewater Infrastructure na pag-aaari ng pamilya ni Manny Villar dahil sa mataas na singil sa joint-ventures (JVs) nito sa mga local water districts (LWDs) sa San Jose del Monte City, Dasmarinas City, Cavite, Quezon, Batangas, Laguna, Negros Occidental, Olongapo City at iba pang lalawigan. Kataka-taka rin na sa ilalim ng rehimeng Duterte ay nailipat ang “supervision and control” ng mga LWDs sa DPWH mula sa Local Waterworks Utilities Administration (LWUA.)

Sa ilalim ng pangangasiwa ni Mark Villar sa DPWH ay lumobo ang mga JVs ng Primewater mula sa 22 hanggang 440 sa kabuuang 584 LWDs sa buong bansa. Tunay na napalakas ng Primewater maging sa kasalukuyang pamahalaan sapagkat pumirma pa ito ng 77 panibagong JVs sa taong ito. Siyam na taon muna ang ginugol ng Primewater bago ito nakapagtala ng 22 JVs subalit lumobo ang bilang ng JVs nito matapos na maluklok si Mark Villar bilang pinuno ng DPWH. Maliwanag na may “conflict of interest” siya sapagkat bilang kalihim ng DPWH, kaya niyang gipitin ang mga LWDs upang pumirma sa mga JVs.

Maling alibi ang sinasabi niya na ibang opisyales ang itinalaga niya upang suriin ang mga kontrata. Panahon pa ni Ponsio Pilato ang paggamit ng plangganita upang maghugas-kamay at pawalang sala ang sarili sa pagpatay kay Kristo. “Self-dealing” ang ginawa nitong si Mark Villar sapagkat “delegated” lamang ang authority sa kanyang mga tauhan at ang nakinabang ay ang Primewater, na pag-aari ng kanilang political dynasty. Ang tawag dito ay “ligtas-katawan” subalit hindi ito lulusot sa mata ng batas.

Ang siste sa “Pandora’s box” ni Marcos Jr. ay sumasabit na lahat sa bahong sumambulat mismo sa pagsisiyasat ng Senado at House of Representatives. Sa Senado ay ibinuko ni Sarah Discaya na nagsimulang magkaraoon sila ng malakihang proyekto sa DPWH noong 2016 at muntik nang mabilaukan ang pro-Duterteng Sen. Bato de la Rosa dahil inamin din ni Discaya na nagkaroon sila ng limang proyekto ng DPWH sa Davao na nagkakahalaga ng P616-milyon sa pakikipagtulungan sa CLTG Corp., na ang ibig sabihin ay Christopher Lawrence Tesoro Go, ang kumpletong “baptismal name” ni Senador Bong Go. Biglang nawalang saysay ang santo-santitong imahe ni Go sa bulalas ni Discaya. Sapagkat tikom ang bibig ng DPWH sa Davao sa kurakutan noong panahon ni Duterte, may “lead” na ngayon ang mga tunay na magsisiyasat kung paano nalusaw sa Davao ang buwis na ibinabayad ng mga mamamayan.

Idagdag pa rito ang napatunayang “insertion” ng P3-bilyon “para kay Bong Go” sa taunang budget at lalong lumiliwanag ang buong katotohanan hinggil sa “massacre ng pambansang kaban” sa operasyon mismo ng “bicameral conference committee” na siyang nagbabago sa mga popondohang programa at proyekto kahit na ang mga ito ay lumusot na sa “plenary” ng House of Representatives. Kailangang ipaliwanag ni Go kung bakit “specific” para sa kanya ang insertion kahit hindi naman siya kagawaran o kawanihan ng pamahalaan. Sa katunayan, ang job description ng senador ay ukol lamang sa paggawa ng batas at hindi pagsawsaw sa paggastos ng budget. Hindi rin nakalagay sa job description na kailangang nakapinta ang kanyang pangalan sa bawat “Malasakit Center” na dumoboble lamang sa trabaho ng mga “health centers,” ospital at pati na rin ng PhilHealth at DSWD. Paano iyong P51 bilyon para sa iba pang “infra projects” sa Davao noong panahon Duterte?

Mabuti na rin na dumarami na ang mga “singing talents” na kontratista na kumumpirma ng pagbibigay ng P30 milyon kay Senate President Chiz Escudero bilang suporta sa halalan noong 2022. Bawal ang ganitong kontribusyon, ayon sa Omnibus Election Code (OEC.) Idagdag pa ang DPWH engineers na umamin na sinertipikahan niya na natapos ang isang P55 milyong FCP sa Bulacan na hindi naman ginawa. Bigla ring lumipad patungong US upang magpagamot si Rep. Zaldy Co ng Ako Bikol at Sunwest. Hindi rin naliliwanagan kung hinarangan ba o hindi ni Sen. Grace Poe ang mga FCPs na pabalilk-balik ang alokasyon taun-taon. Lumalapot na ang nilutong “expose” ni Marcos Jr. Ang matinding epekto lamang lahat silang responsable sa paggawa ng budget at paggastos nito ay pawang tatamaan. Parang mga talangka silang maghihilahan pababa. That happens when shit hits the fan.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *