Sa Pebrero 25, ang ika-40 anibersaryo ng pag-aalsang EDSA, magmamartsa tayo patungong EDSA Ortigas upang itanghal ang halaga at pangangailangan ng “people power” at upang panagutin ang mga Marcos sa kanilang mga krimen sa nakaraan at kasalukuyan.
Hindi natin maaaring gunitain ang EDSA nang hindi kinikilala ang pasismo, pagkatuta at korapsyon ng diktadurang Marcos, at ang nakaw na yamang hindi pa rin nila ibinabalik sa sambayanang Pilipino. Nasaan ang utang ng mga Marcos na P203 bilyon na estate tax? Nasaan ang ninakaw na yaman na patuloy nilang pinakikinabangan?
Hindi natin maaaring gunitain ang EDSA nang hindi itinuturo ang korapsyon ng kasalukuyang rehimeng Marcos — kung ano ang puno, siya ring bunga; like father like son, parehong kawatan. Ang kasalukuyang rehimeng Marcos ay nalantad na may mga kickback na umaabot sa P10 bilyon batay sa mga ebidensyang nakita ng mga kinatawan ng Makabayan sa Kongreso. Hindi natin maaaring patahimikin ang mga panawagang panagutin si Marcos Jr. sa pamumuno sa isang sistemang siya ang nakaupo sa tuktok ng mabahong bundok ng korapsyon.
Sa Pebrero 25, magmamartsa tayo sa EDSA at itatakwil ang tinatawag na “EDSA no-rally zone” na sumasalungat sa mismong diwa ng EDSA. Ipagdiriwang natin ang kapangyarihan ng mamamayan, hindi ang kapangyarihan ng pulis, hindi ang kapangyarihan ng estado, at hindi ang mga pasistang hakbang ng isang nahihiwalay na rehimeng nakasandig sa mga legal na labi ng diktadurang Marcos. Magmamartsa tayo dala ang mga panawagan para sa pananagutan at tunay na pagbabago.
Hindi natin maaaring gunitain ang EDSA sa pamamagitan ng paglimita sa kalayaan sa pagpapahayag at sa karapatan sa mapayapang pagtitipon, na tila ba nasa madilim na panahon pa rin tayo ng diktadura. Ang mga nagtatangkang supilin ang mapayapang pagtitipon ay walang natutunan sa anumang aral ng EDSA. Ang mga nagtatangkang patahimikin ang kritisismo sa rehimen at limitahan ang mga alternatibo sa bulok na sistema ay hindi rin natuto sa mga aral ng kasaysayan at sa prinsipyo na ang soberanya ay nasa pagkilos ng mamamayan.
Sa Pebrero 25, magmamartsa tayo sa EDSA, dahil sawang-sawa na tayo sa maniobrahan ng mga nasa kapangyarihan, na desperadong nililito tayo sa walang katapusang kombinasyon ng mga alyansa para sa darating na halalan, na tila ba ang buong pakikibaka natin laban sa korapsyon ay para lamang pagsilbihan ang mga elektoral na konsiderasyon at ambisyon. Kung may natutunan man tayo noong 1986 at 2001 at sa mga regular na eleksyon, hindi sapat ang simpleng pagpapalit lang ng nakaupo sa tuktok upang malutas ang malubhang krisis ng bansa. Kailangang baguhin ang sistema. Hindi lang sino ang ipapalit kundi ANO ang ipapalit.
Ang ating paggunita sa EDSA ay nagtuturo sa atin na ang tunay na kapangyarihan ay nasa kamay ng mamamayan, wala sa mga pulitiko — lalo silang mga abala sa palitan ng pabor at politikal na akomodasyon batay sa makitid na interes. Hindi nila kinakatawan ang ating pag-asa para sa mas magandang kinabukasan, tiyak na hindi ang mga dinastiyang Marcos o Duterte. Hindi tayo maaaring sumigaw ng “never again” sa mga Marcos habang sa kabilang banda ay nagtatanong ng “why not?”
Sa Pebrero 25, magmamartsa tayo sa EDSA upang ipaglaban ang hindi pa tapos na gawain nito at ang hindi pa natutupad na pangako ng pagkamit ng tunay na kalayaan at demokrasya para sa ating bayan. Magpakatatag at manindigan dahil hindi tayo nag-iisa sa pakikibaka. Bahain ng protesta ang kahabaan ng EDSA.#