Matapos ipagyabang sa media interview noong nakaraang taon ang kayamanan ng kanyang pamilya na nakuha nila mula pumasok sa mga kontrata ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sinisi ni Sarah Discaya, may-ari Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corp., ang media sa ‘pagkatay’ sa bahagi ng panayam.
“They spliced the video that was taken of me and just mentioned the DPWH,” sabi ni Discaya sa pagharap sa Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa maanomalyang flood control projects.
“For the knowledge of everyone, St. Gerrard, Alpha and Omega, we have been in the construction business for 23 years. So I would presume in the 23 years pwede naman siguro kami pong kumita. ‘Yong bilyon, when I said DPWH, because prior to that we were in local government, so ang hirap makasingil sa local government,” dagdag niya.
“So, you’re saying that the television station and the persons interviewing you edited your answer?” usisa ni Senate Minority Leader Sen. Tito Sotto.
“I think so sir, “ tugon ni Discaya. “Kasi I did mention that I was doing local government as well as private.”
“Dineclare nyo sa interview mo na kumita kayo ng malaki noong nag-DPWH kayo, ngayon gusto mong i-attribute ‘yong wealth ninyo going back doon pa sa tatay mo… Pero, very clear sa video na sinabi mo ‘noong nag-DPWH’ kayo,” ayon kay Sen. Ronald ‘Bato” dela Rosa.
Umangat ang negosyo mula 2016
Inamin ni Discaya na nagsimula silang humawak ng DPWH flood control projects noong 2016
“2016 onwards,” aniya.
Nauna rito’y isiniwalat sa ulat ng Rappler na noong 2017, pumasok ang CLTG Builders, isang kompanyang pag-aari ni Deciderio Go, ama ni Senador Bong Go, sa isang joint venture kasama ang St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corporation, na pag-aari ni Pacifico “Curlee” Felizario Discaya II, asawa ni Sarah,
Sa ilalim ng pakikipagsosyong ito, nakakuha sila ng limang kontrata sa imprastruktura sa Rehiyon ng Davao na may kabuuang halagang mahigit ₱816 milyon.
Ang mga proyekto ay nakatuon sa konstruksyon ng mga kalsada at ipinagkaloob ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Si Deciderio Go ang lumagda sa mga kontrata bilang “Authorized Managing Officer” para sa parehong kompanya.
Mula ₱352 milyon noong 2016, lumobo ang kabuuang halaga ng mga kontrata ng CLTG sa DPWH sa mahigit ₱3 bilyon pagsapit ng 2017, kasabay ng panahon kung kailan si Bong Go ay nagsilbing Special Assistant ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil dito, lumitaw ang mga tanong ukol sa posibleng impluwensya ng koneksyon sa pulitika sa proseso ng pagkuha ng kontrata.
Bagamat may iba pang ka-joint venture ang CLTG gaya ng Three W Builders Inc., kapansin-pansin ang ugnayan nito sa pamilya Discaya dahil sa sabayang koneksyon sa pulitika.
Nahaharap sa masusing pagsusuri ang pakikipagsosyo ng CLTG at Discaya, lalo na sa gitna ng mga imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects.
Bilang vice chair ng Senate Blue Ribbon Committee, nanawagan si Senador Bong Go ng mas mahigpit na pananagutan sa paggastos ng pondo sa imprastruktura, at iginiit na hindi sapat ang audit o paliwanag ng mga kontratista.
Paulit-ulit niyang itinanggi ang personal na koneksyon sa negosyo ng CLTG: “Wala akong kinalaman sa negosyo nila. Kaya sila ang dapat tanungin ninyo, at hindi ako.”
Ugnayan ni Sarah Discaya kay Vicente Eusebio
Ayon sa ilang ulat, kabilang na ang komentaryo ni Antonio Montalvan II, kadugo ni Sarah si dating Pasig City Mayor Vicente “Enteng” Eusebio. Ina ni Sarah ang half-sister ni Eusebio, kaya’t itinuturing siyang pamangkin nito.
Sinasabing naging daan ang ugnayang ito sa mabilis na pag-angat ng negosyo ng pamilya Discaya sa larangan ng konstruksyon sa Pasig noong termino ni Eusebio bilang alkalde (2004–2007).
Ayon kay Montalvan, binigyan umano ng malawak na access ang Discaya Construction sa mga proyekto ng lungsod, at posibleng nagsilbing “dummy corporation” ito para sa pamilya Eusebio.
Nagpatuloy umano ang ganitong sistema sa ilalim ng anak ni Vicente, si Robert “Bobby” Eusebio.
Gumamit daw ang Discaya ng iba’t ibang kumpanya upang magmukhang may kompetisyon sa mga bidding ng proyekto sa lungsod.
Sa isang panayam noong 2025, mariing itinanggi ni Sarah Discaya ang anumang kaugnayan sa pamilya Eusebio.
Tinawag niyang “corrupt” ang pamilya at sinabing ang mga paratang ay gawa-gawa lamang ng mga kalaban sa pulitika.
Natalo si Sarah sa kanyang unang sabak sa politika bilang Pasig City mayoralty bet noong 2025 laban kay Good Governance advocate Vico Sotto. (ROSE NOVENARIO)