📷: Bantay Baha PH | FB
Usap-usapan ang nepo babies, mga anak ng mayayamang kontratista na ipinangangalandakan ang yaman online.
Pero paano naman ang nepo wives?
‘Yung mga asawa ng nasa poder, na tila mas malakas pa ang impluwensya kaysa sa mismong opisyal, sa kaso ni Quezon Governor Doktora Helen Tan, asawa ni DPWH Region 1 Director Engr. Ronnel Tan, pareho silang may posisyon sa gobyerno.
Habang binabaha ang mga komunidad at bumabagsak ang mga flood control projects, ang mag-asawang Tan ay namumuhay nang marangya, mula sa luxury properties hanggang sa mga party kung saan “milyon-milyong piso ang isinaboy sa ere.”
Ayon sa RA No. 6713, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees:
“Ang mga opisyal at empleyado, pati ang kanilang pamilya, ay dapat mamuhay nang simple at ayon sa kanilang posisyon at kita.”
Pero ang lifestyle ng mag-asawang Tan ay tila salungat punong-puno ng luho, proteksyon, at kapangyarihang hindi hinamon.
Abracadabra sa Bilyong Pondo ng La Union
Inilahad sa Gising Quezon Facebook page na sa nasasakupan ni Engr. Ronnel Tan, Bauang at Naguilian sa La Union, isang mahiwagang pagbabago sa pondo ang naganap.
Sa unang bahagi ng 2024 National Expenditure Program, dalawang proyekto lang ang nakalista para sa Naguilian (tig-₱50M) at wala para sa Bauang. Pero pagdating sa GAA 2024, parang may salamangka:
Naguilian: 10 flood control packages, halos ₱98M bawat isa → ₱967.4M kabuuan
Bauang: 7 packages, halos ₱89M bawat isa → ₱623M kabuuan
At ang nakakabigla: iisa lang ang kontratista sa lahat ng packages—Silverwolves Construction Corporation, pag-aari ni Moises Tabucol. Isang kumpanyang paulit-ulit na tumatanggap ng bilyong kontrata sa Region 1.
Ito ay malinaw na senyales ng pork barrel insertion.
Hindi Lang Flood Control—Greed Control
Wika ni Senador Panfilo Lacson:
“More than flood control, what the Filipino people badly need to see is greed control.”
Ayon sa kanya, sa bawat ₱100M na proyekto:
- 8–10% napupunta sa DPWH
- 5–6% sa Bids and Awards Committee
- 5–1% sa COA personnel
- 5–6% bilang “parking fee” sa lokal na politiko
- 20–25% sa mambabatas na nagpasok ng proyekto
Kapag pinagsama-sama, halos lahat ay napupunta sa kickbacks,at kaunti na lang ang natitira para sa aktwal na konstruksyon, kung meron man talaga.
Sa Bauang at Naguilian, bilyong pisong pondo. Iisang kontratista. Hati-hating packages. Ang ibig sabihin lang: “Akin ito.”
Pondo ba ito ng bayan—o ng bulsa?
Hindi na ito simpleng isyu ng isang gobernador o DPWH director. Ito ay tungkol sa sistemang nagpapalakas sa nepotismo, nagtatago ng yaman, at nagpapahina sa tiwala ng publiko.
Kaya ang tanong: Ito ba’y pondo para sa publiko—o para sa bulsa?
Panawagan ng Bayan
- Lifestyle check para sa mag-asawang Tan:
- Audit ng lahat ng flood control projects sa Region 1
- Buong pagpapatupad ng RA No. 6713, lalo na ang Section 8
- Transparency sa budget insertions at pagpili ng kontratista
- Proteksyon para sa whistleblowers at watchdogs na nagsisiwalat ng anomalya
Ayon kay Sen. Lacson:
“Let us show the people that we can lead with integrity. Panahon na upang tutukan ang transparency at wakasan ang anomalya sa public works.” (ROSE NOVENARIO)