Sun. Mar 15th, 2026
📷: Former PCSO General Manager Royina Garma |  Bureau of Immigration

 

Kompirmado ng Bureau of Immigration na nakabalik na sa bansa si Royina Garma, dating opisyal ng pulisya at general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), matapos nitong magtangkang mag-asylum sa Estados Unidos dahil sa umano’y paglalantad ng mga abuso sa kampanya kontra droga.

Dumating si Garma sa NAIA Terminal 1 noong Sabado, 6:50 PM, sakay ng PR 113 mula Los Angeles, California.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), umalis si Garma kasama ang kanyang anak noong Nobyembre 7, 2024, ngunit sila ay “intercepted and taken into custody by the US immigration in San Francisco due to her canceled visa.”

Si Garma ay nahaharap sa mga kasong murder at frustrated murder na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pagkamatay ni PCSO board secretary Wesley Barayuga.

Kabilang sa mga respondent sa reklamo sina dating National Police Commission commissioner Edilberto Leonardo, at mga opisyal ng pulisya na sina Jeremy Causapin, Santie Mendoza, at Nelson Mariano.

Muling binuksan ang kaso matapos ang pagtestigo ni Mendoza sa Quadcom, kung saan itinuro niya sina Garma at Leonardo bilang mga utak sa ambush noong Hulyo 30, 2020 na ikinasawi ni Barayuga malapit sa opisina ng PCSO sa Mandaluyong City.

Pinalaya si Garma mula sa detensyon ng House mega panel na nagsisiyasat sa kampanya kontra droga ni Duterte, matapos siyang “committed to attend its next hearings.”

Sa mga naunang pagdinig, iginiit ni Garma na “sanctioned” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang cash reward system para sa pagpatay ng mga drug suspect.

Ayon sa kanya, mayroong “national task force patterned after the ‘Davao Model’”na nagbibigay ng “financial rewards, plus funding for planned operations and reimbursement for operational expenses.”

Itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon ni Garma. (RRN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *