: Coalition for People’s Right to Health | FB
Mariing kinondena ng health advocates at manggagawang pangkalusugan sa ilalim ng Coalition for People’s Right to Health (CPRH) ang panukalang ₱320.5-bilyong badyet para sa kalusugan sa 2026 ng administrasyong Marcos Jr.
Ayon sa CPRH, ang halagang ito, pinagsamang alokasyon para sa Department of Health (DOH), PhilHealth, at mga ospital na kontrolado ng pamahalaan, ay isang “mapanganib na reseta sa kalusugan ng mamamayan.”
Badyet na Malayo sa Tunay na Serbisyong Pangkalusugan
Ayon kay Dr. Jamie Dasmariñas, community doctor at co-convenor ng CPRH, bagamat tila malaki ang ₱320.5-bilyon, ito ay malayo sa sapat upang gawing tunay na unibersal at libre ang serbisyong pangkalusugan sa bansa.
“Ang panukalang badyet ay ilusyon at nakamamatay. Sa pagsasabing 80% na ang rollout ng Universal Health Care, binubulag ng administrasyon ang tunay na kalagayan, mahahabang pila, siksikan sa emergency rooms, kulang na staff, at pasaning out-of-pocket expenses,” ani Dasmariñas.
Mas Malaki Pa ang Gastos ng Mamamayan
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa ₱615.16-bilyon ang ginastos ng mga Pilipino mula sa sariling bulsa para sa kalusugan noong 2024.
Tumaas din ang per capita health spending sa ₱12,751—17.6% na pagtaas mula ₱10,840 noong 2023.
Pagliit ng Badyet sa Mahahalagang Programa
Bukod sa kakulangan ng kabuuang alokasyon, binawasan pa ang pondo para sa mga pangunahing programa:
– Health Facilities Enhancement Program: mula ₱35.37-bilyon pababa sa ₱14.54-bilyon (58.89% na bawas)
– Epidemiology and surveillance: -₱216 milyon
– Health Emergency Management: -₱381 milyon
– Non-Communicable Diseases: -₱757 milyon
– Disease Prevention and Control: -₱1.24 bilyon
– Medical Assistance to Indigent Patients: mula ₱41.16-bilyon pababa sa ₱24.24-bilyon
Mas Malaking Badyet sa Militar, Intelligence, at Imprastruktura
Habang binabawasan ang pondo sa kalusugan, tumataas naman ang alokasyon para sa:
– Imprastruktura: ₱1.55-trilyon
– Confidential at intelligence funds: ₱10.8-bilyon (₱4.5-bilyon sa Office of the President)
– Defense: ₱430.9-bilyon (kasama ang ₱8.1-bilyon para sa Barangay Development Program ng NTF-ELCAC—314% na pagtaas)
Panawagan para sa Makataong Badyet
Ayon kay Dr. Gil Catalan, Secretary General ng Health Workers PartyList, “Ang alokasyon ng hindi bababa sa 5% ng Gross Domestic Product o ₱1.3-trilyon ay magbibigay ng libre, komprehensibo, at dekalidad na serbisyong pangkalusugan—isang makataong sistemang nararapat sa bawat Pilipino.”
Paninindigan ng CPRH
Sa gitna ng kakulangan sa badyet at mga ulat ng korapsyon sa pamahalaan, nanindigan ang CPRH sa mga panawagan:
- Ibulgar at labanan ang lahat ng anyo ng korapsyon; panagutin ang mga opisyal
- Tutulan ang pang-aabuso sa pondo ng bayan
- Ipanawagan ang 5% ng GDP para sa kalusugan
- Mag-organisa at magmobilisa para sa libreng, komprehensibo, at dekalidad na serbisyong pangkalusugan
- Tugunan ang kahirapan at kawalang-kaunlaran; isulong ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon (ROSE NOVENARIO)