Naging kasosyo ng pinsan ni Sen. Mark Villar sa isang proyekto sa lalawigan ng Quezon ang itinuturing ng Senate Blue Ribbon Committee na “top ghost project contractor.”
Nabatid na iginawad ng Department of Public Works and Highways Region 4-A noong Oktubre 3, 2024 ang halagang P32.7-M Contract Agreement sa joint venture ng Silverwolves Construction Corporation at Motiontrade Development Corporation para sa “Rehabilitation, Reconstruction of Roads with slips, Slope Collapse, and Landslide Primary Road sa Daang Maharlika, Quezon Province.
Sa listahan ng Senate Blue Ribbon Committee ng “Contractors with Ghost Projects” ay nanguna ang Silverwolves Construction na may 15 ghost projects.
Ang Silverwolves ay pag-aari ni Moises Tabucol na may office address na Mudeng, La Paz, Abra.
Habang ang Motiontrade Development Corporation na ang managing officer ay si Carlo Aguilar, ay may address na Alabang-Zapote Road, Admiral Village, Talon 3, Las Pinas City.
Si Aguilar ay ang talunang mayoralty bet sa Las Pinas City at dati umanong special assistant ng pinsan niyang si Villar nang ito’y DPWH secretary ng administrasyong Duterte mula 2016 hanggang 2021.
Sa “Flooded Gates of Corruption” privilege speech ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson, tinukoy niya ang Silverwolves bilang nakakuha ng flood control project package sa Bauang, La Union na umabot sa mahigit₱600 milyon bahagi ng umano’y *maanomalyang congressional insertions.
Kapag pinagsama ang mga natapos at kasalukuyang flood control projects ng Silverwolves sa mga lalawigan ng Pangasinan at La Union, aabot sa kabuuang ₱3.17 bilyon ang halaga ng mga kontrata nito.
Bagamat nakabase sa La Paz, Abra, ang Silverwolves ay patuloy na nakakakuha ng malalaking kontrata mula sa DPWH, kabilang na sa mga probinsya ng Oriental Mindoro,Bohol, at Quezon, dahil umano sa matibay nitong “kontak” sa loob ng gobyerno.
Ang Silverwolves din ang contractor sa nasirang dike sa Tuliao, Sta. Barbara, Pangasinan na naging viral sa social media matapos ang pananalasa ng mga bagyong Crising, Dante, at Emong noong huling linggo ng Hulyo 2025.
Tinukoy din ni Lacson ang mga bayan ng Baco at Naujan sa Oriental Mindoro bilang bahagi ng mga lugar kung saan dawit ang Silverwolves sa pork barrel” insertions.
Isiniwalat ng Gising Quezon FB page na sa ilalim ng nasasakupan ni DPWH Region 1 Director Ronnel Tan, esposo ni Quezon Gov. Helen Tan, biglang lumobo ang pondo para sa flood control sa Bauang at Naguilian sa La Union.
Sa unang bahagi ng 2024 budget, tig-₱50M lang ang nakalaan sa Naguilian at wala sa Bauang. Pero sa final General Appropriations Act (GAA) 2024, mistulang may “magic”:
Naguilian: 10 proyekto, halos ₱98M bawat isa → ₱967.4M kabuuan
Bauang: 7 proyekto, halos ₱89M bawat isa → ₱623M kabuuan
Lahat ng kontrata ay napunta sa Silverwolves.
Samantalang ibinunyag naman ni Las Pinas Rep. Mark Anthony Santos na 33 sa 339 multi-million-peso infrastructure projects sa Las Pinas mula 2022 ay nasungkit ng I&E Construction na ang managing officer ay si Aguilar. (ROSE NOVENARIO)