Sun. Mar 15th, 2026

đŸ“·: Ex-PCAB Board Member Erni Baggao

 

Gumuho ang P28.9-M Alicaocao Flood Control Project sa lungsod ng Cauayan sa lalawigan ng Isabela kaninang umaga.

Ang 149-meter concrete flood control revetment na nakaposisyon sa Cagayan River ay natapos noong Enero 2025.

Batay sa Notice of Award ng DPWH Isabela Fourth District Engineering Office ang proyekto ay iginawad sa EGB Construction Corp. na pagmamay-ari ni Erni G. Baggao at may tanggapan sa Ilagan, Isabela.

Si Baggao ay isa sa mga director ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) na nagbitiw matapos ibulgar ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang pagiging contractor niya.

Tinuligsa ni Sen. Erwin Tulfo ang pagkakatalaga kay Baggao sa PCAB habang ang kanyang kumpanya, ang EGB Construction, ay nakakuha ng ₱2.2 bilyong halaga ng flood control projects—isa sa Top 15 contractors na pinangalanan ni Pangulong Marcos Jr. sa mga nakakorner ng mga kontrata sa DPWH.

Tinawag ni Tulfo ang PCAB bilang “gateway to corruption,” at binatikos ang batas na RA 4566 na pumapayag na mga kontratista lang ang nakaupo sa board. Aniya, ito ay isang “self-serving provision”  na dapat baguhin.

Isiniwalat din niya na ang Wawao Builders, isang kumpanyang sangkot sa ghost projects sa Bulacan, ay umano’y dummy company ng EGB Construction.

Ayon kay Tulfo, ang general manager ng Wawao na si Mark Allan Arevalo ay isa lamang messenger ni Baggao, ginamit para pagtakpan ang tunay na may-ari sa mga pagdinig sa Senado.

Naghain na si Tulfo ng resolusyon para rebisahin o buwagin ang PCAB law, bilang hakbang para pigilan ang mga kontratistang sila rin ang nagre-regulate sa sarili nilang industriya at para maibalik ang tiwala ng publiko sa mga proyekto ng gobyerno. (ROSE NOVENARIO)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *