Bilyun-bilyong pisong buwis ng taumbayan ang sinasabing kinurakot sa flood control projects scam,at ngayon, ginagamit umano para pondohan ang isang mas malalim na kuntsabahan, ang pagpapatalsik kay Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon sa source, hindi lang ito simpleng pagtatakip sa katiwalian. May mas malawak na plano, gamitin ang isyu para palakasin ang “Oust BBM Movement” at maitulak si VP Sara Duterte sa Palasyo. Pinapaspas daw ang galaw ng grupo bago pa makapagdesisyon ang Korte Suprema sa impeachment case ni VP Sara.
Kasado na raw ang script, ang mga Discaya na kakanta sa Senado, ipapasok sa Witness Protection Program, at gagamitin bilang whistleblower laban kay Marcos Jr., gaya ng ginawa ni Clarissa Ocampo sa kaso ni dating Pangulong Estrada. Kung matatanggal si BBM, si VP Sara ang papalit, parang replay ng Estrada-Arroyo transition.
Pero may sagka, nananatili si Speaker Martin Romualdez sa Kamara, at si Sen. Tito Sotto ang pumalit kay Sen. Chiz Escudero bilang Senate President. Si Sen. Ping Lacson naman ang bagong Blue Ribbon Chair. Dahil dito, nabitin ang plano,kaya ngayon, nagkukumahog ang grupo na mapatalsik si Sotto para hindi maungkat ang kickback sa flood control projects at ang 2025 budget insertions.
Nagulat si Sotto sa galit ng ilang senador, lalo na si Sen. Rodante Marcoleta. “Bakit daw hindi ko pinirmahan ang sulat sa DOJ? Baka may commitment sila sa ibang tao,” ani Sotto sa podcast ni Christian Esguerra. Ayaw rin daw niyang bigyan ng immunity ang mag-asawang testigo.
Kung hindi pabor sa pro-Duterte forces ang political climate bago ang malaking anti-corruption rally sa Setyembre 21, posibleng may ibang pakulo silang ikasa. Bantayan ang deliberasyon ng budget ng Office of the Vice President sa Martes, baka ito ang maging bagong entablado ng drama.
Noong nakaraang taon, kumita ang “Shimenet” narrative ni VP Sara, pati ang no-show niya sa Kamara. Kung modelo nga nila ang “Impeach Erap” strategy, nakakatakot kung mauulit ang mga pambobomba noong 1999 na ikinasawi ng 14 katao habang umuusad ang impeachment trial.
Sa kabilang banda, kung pork barrel probe ang modelo ng administrasyong Marcos Jr. sa pag-usisa sa flood control scam, mahirap tanggalin ang pananagutan kay BBM dahil sa mismong tungki ng ilong niya nangyari ang nakawan.
Magiging totoo lang ang reporma kung mapapakulong ang mga mga opisyal ng gobyerno, senador, kongresista, at contractor na sangkot, kasabay ng paglilinis sa hudikatura.
Hindi dapat malunod ang bayan sa baha ng korapsyon, kasinungalingan, at sabwatan.
Panahon na para buwagin ang pork barrel. Igiit ang pananagutan at katarungan.
Kailangang lumahok tayong lahat sa National Day of Action Against Corruption and Impunity sa Luneta sa Setyembre 21 at ipahayag ang ngitngit laban sa katiwalian.