Sun. Mar 15th, 2026

By Raymund B. Villanueva | Kodao Productions

 

Muntik na akong mabulunan nang mabasa ko ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kung hindi lamang siya pangulo ay malamang daw ay kasali siya sa mga kilos-protesta sa Linggo, Setyembre 21, laban sa katiwalian sa pamahalaan. “If I wasn’t president, I might be out in the streets with them,” sabi niya.

Nakakatawa. Nakakainis.

Isa-isahin natin kumbakit:

  1. Wala nang kabalintunaang mas malaki pa kaysa kaysa sa sinabi ni Bong Bong. Siya ang pangunahing tagapagmana ng legado ng pagnanakaw, magra-rali kontra korupsyon. Aba’y noong kalaliman ng diktaduryang Marcos Sr., kabi-kabila ang mararangyang piging ng kaniyang pamilya. Bumili ng mamahaling gusali sa New York, mga painting, alahas, sapatos, damit at iba pa ang kanilang pamilya, ilan dito ay nasamsam ng pamahalaang Corazon Aquino pagkatapos ng pag-aaklas ng 1986. Nagsauli pa nga ang pamahalaang Swiso ng perang itinago nig mga Marcos sa kanilang mga bangko roon. Sa katunayan, ilang beses nang nahatulang guilty ang kanilang pamilya sa salang pagnanakaw. Kung galit ngayon si Marcos Jr. sa nakawan, dapat patunayan niya sa pamamagitan ng pagpayag na pagdusahan sa kulungan ni Imelda ang kanilang kasalanan ng ayon sa utos ng mga korte. At, dahil masyado nang matanda si Imelda, umamin man lamang ang kanilang pamilya at humingi ng tawad sa sambayanan.
  2. Sa Setyembre 21 ang mga rali, anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar ni Marcos Sr. Hindi ito araw na ginugunita ng mamamayan na may ngiti sa labi. Araw ito ng pagtuligsa sa mga Marcos at kanilang kinakatawang interes at kaayusan.
  3. Huwag sanang magmaang-maangan si Marcos Jr. dahil enabler ang kanyang pamahalaan sa korupsyon. Hindi naman niya tinanggal ang pork barrel — ngayo’y unprogrammed funds ang isang katawagan – ng mga lehislador. Ang kanyang mga anak, kapatid, pinsan, pamangkin at mga kaalyado sa iba’t iba at maraming posisyon sa gobyerno ay mayroon pa rin nito. Nakikinabang siya at dating kaalyadong si Sarah Duterte sa “parliamentary courtesy” upang ipasa nang walang kahirap-hirap ang kanilang badyet na puno ng intelligence at confidential funds. Nasa ilalim ng kanyang opisina ang dalubhasa rin sa corrupt projects na NTF-ELCAC. Sa madaling salita, korap siya.
  4. Kunwa-kunwari ang kanyang pagsang-ayon sa mga protesta laban sa pandarambong. Ngayon pa lamang, inilalabas na ng kanyang pulisya ang pangil kontra sa mga nagra-rali. Nagsimula nang mangharang ang pulisya sa mga kalsada papasok ng Maynila. Panay na rin ang pagbabanta nila laban sa mga aktibista. Sino ngayon ang nanggugulo at marahas? At itong si BongBong, binanggit pa niya ang mga protesta sa Nepal at Indonesia na, dahil sa kanya nanggaling, ay pananakot sa tao na huwag nang mag-rali at baka umabot daw sa ganoon ang sitwasyon dito sa Pilipinas. Loko talaga.

Samantala, may ibang grupo ring nanlalabusaw sa mga planong protesta sa darating na araw ng Linggo. Nariyan ang mga buwisit na alipores ni dating pangulong Rodrigo Duterte na sasali raw sa rali sa Luneta. Dapat silang masabihan: Kontra korupsyon ang mga protesta. Hindi pwede roon ang mga taga-suporta ng iba pang politikong korap.

Mayroon din namang nangungutya na hindi naman mapagka-isa ang mga magra-rali. Hindi nila nakikita na iisa lang ang mga panawagan, kahit isigaw pa ito sa Bagumbayan o sa EDSA.

Panggulo lamang sila. Hindi na sila dapat pansinin at mag-konsentra na lamang tayo sa panghihikayat na dumalo ang lahat ng pagod na pagod sa korupsyon na dumalo sa Linggo at sa mga susunod na pagkilos.

Nasa mainam tayong pagkakataong bumigwas sa mga magnanakaw. Lumala ang kanilang pagtuturuan sa isa’t isa. Nagkakagulo na sila. Kailangang may mapanagot.

At kailangan ng taumbayan ang higit na pagkakaisa kung gusto natin na sumulong kontra sa iba’t ibang salot ng lipunan.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *