Sun. Mar 15th, 2026

📷: Luis Liwanag | FB

 

Isinumbong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pinoy ang malawak at sistematikong korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) noong Agosto 11, 2025  kasabay ng paglulunsad ng Sumbong sa Pangulo website.

Ayon sa Pangulo, ang katiwalian sa ahensyang ito ay sagabal sa tunay na pag-unlad ng bansa.

Ngunit sa halip na maging daan ito upang palakasin ang panawagan ng mamamayan para sa reporma, ang naging tugon ng estado ay karahasan laban sa mga nagpoprotesta.

Sa mga nagdaang linggo, libu-libong Pinoy ang lumahok sa mga kilos-protesta upang ipahayag ang kanilang galit sa mga anomalya sa flood control, overpriced infrastructure projects, at ghost contracts.

Ang mga ito ay direktang kaugnay sa mga isyung binanggit ng Pangulo mismo. Subalit sa halip na pakinggan, ang mga nagpoprotesta ay hinarang, dinahas, at inaresto ng mga puwersa ng estado.

Nasaksihan ng buong mundo ang matinding paglabag sa karapatang pantao ng mga puwersa ng estado,  ang paggamit ng water cannon, pambubugbog, at arbitraryong pag-aresto sa ilan sa mga nagprotesta.

Ang tanong: kung ang Pangulo na mismo ang nagsabing may korapsyon, bakit ang mga mamamayang humihingi ng hustisya ang itinuturing na banta?

Korapsyon na Walang Pananagutan

Ang DPWH ay isa sa pinakamalaking ahensya ng gobyerno pagdating sa pondo. Taon-taon, bilyon-bilyong piso ang inilaan para sa imprastruktura, mula sa flood control hanggang sa mga kalsada’t tulay.

Pero ayon sa Pangulo, marami sa mga proyektong ito ay napupunta sa bulsa ng iilan. Kung gayon, ang galit ng mamamayan ay hindi lamang makatarungan, ito’y kinakailangan.

Ang kawalan ng agarang aksyon laban sa mga tiwaling opisyal, habang mabilis ang panunupil sa mga nagpoprotesta, ay nagpapakita ng baluktot na prayoridad. Sa ganitong kalagayan, ang tiwala sa pamahalaan ay patuloy na nauubos.

Panahon ng Paninindigan

Ang karapatang magpahayag, magtipon, at magprotesta ay hindi krimen. Ito’y pundasyon ng demokrasya.

Kapag ang estado ay mas takot sa rally kaysa sa korapsyon, may mali sa ating sistema. Kapag ang mga sundalo at pulis ay mas aktibo sa pagharang ng plakard kaysa sa pag-imbestiga ng ninakaw na pondo, sino ang tunay na kalaban?

Hindi sapat ang salita ng Pangulo. Kailangan ng konkretong aksyon,hindi laban sa mamamayan, kundi laban sa mga tiwaling opisyal.

Kailangan ng hustisya, hindi panunupil. At higit sa lahat, kailangan ng tapang mula sa taumbayan upang ipaglaban ang kinabukasan.

Ang tunay na pagbabago ay hindi magmumula sa itaas. Ito’y isisigaw, ipaglalaban, at ipagpapatuloy ng mga nasa lansangan.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *