Sun. Mar 15th, 2026

Sumabog na hanggang pinto ng Palasyo ang ibinunyag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na katiwalian sa flood control projects noong Agosto 11, 2025.

Maging si Executive Secretary Lucas Bersamin ay nabanggit ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo na dawit daw sa kickback sa flood control projects sa pamamagitan ni Department of Education Undersecretary Trygve Olaivar.

Naglabas ng kalatas si Bersamin na itinanggi ang alegasyon laban sa kanya , habang si Olaivar ay nag-file ng leave of absence.

Tinukoy rin ni Bernardo si Maynard Ngu, may-ari ng Cork Wine Bar sa BGC, kaibigan at campaign donor ni Sen. Chiz Escudero, at Special Envoy to China for Trade, Investment and Tourism ni Marcos Jr.

Napaulat na kasosyo ni Ngu sa Cork Wine Bar si Special Assistant for Investment and Economic Affairs Frederick Go.

Director si Ngu ng Altus Property Ventures ng Robinsons Land Corp., kung saan nagsilbing pangulo si Go.

Kasosyo rin umano ni Ngu si Heart Evangelista, esposa ni Sen. Chiz Escudero sa isa sa kanyang mga negosyo.

Sa kanyang pagharap sa Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Bernardo na ibinigay niya kay Ngu sa Cork Wine Bar ang P160-M bilang umano’y kickback ni Escudero mula sa P800-M halaga ng mga proyekto sa DPWH.

Kinompirma ng Department of Justice (DOJ) ngayong araw, Setyembre 26, na kasama sina Ngu at Escudero  sa 21 kataong sasampahan ng kaso batay sa mga sinumpaang salaysay nina Bernardo, at mga dating engineer ng DPWH.

Sa pag-usad ng kaso, kasama bang ipatatawag ang mga may-ari ng Cork Wine Bar bilang “scene of the crime” ang kanilang establisimyento?

Mahahalukay rin kaya ang mga nasungkit na kontrata sa gobyerno ng kompanyang Cosmic Technologies, na pagmamay-ari rin ni Ngu?

Ang Cosmic Technologies ang may gawa ng Cherry Mobile electronic gadgets gaya ng cellphone at tablet.

Ilang beses namahagi ng Cherry Mobile cellphone at tablets ang administrasyong Duterte bilang kanilang Christmas gift sa mga tao, at kasama sa nakatanggap ay mga mamamahayag.

Sa ulat ng Rappler, may mga nakorner na kontrata ang Cosmic Technologies sa gobyernong Marcos Jr. mula sa Department of Education (DepEd), Philippine Amusement and Gaming Corporation(Pagcor), at ibang lokal na pamahalaan.

Nakakuha ang Cosmic ng kontratang nagkakahalaga ng P100 milyon kay Pagcor chief Alejandro Tengco para sa 11,400 units ng ahensya.

Noong Mayo 2024, nasungkit ng Cosmic ang dalawang kontrata para sa e-learning cart and package sa DepEd na nagkakahalaga ng P386 milyon, noong kalihim ng kagawaran si Vice President Sara Duterte.

Ang lumagda sa mga kontrata ng Cosmic ay si dating DepEd undersecretary Michael Poa, naging tagapagsalita ni Duterte sa impeachment complaint.

Malaki ang kinita ni Ngu sa panahon ng administrasyong Duterte, gayundin sa gobyernong Marcos, partikular sa Pagcor at DepEd sa ilalim ni VP Sara, maliban sa umano’y bagman pa siya ni Escudero sa DPWH projects,

Si Ngu kaya ang hinahanap na “missing link” na mag-uugnay kina Escudero at VP Sara kaya nagkaroon ng maling interpretasyon ang esposo ni Heart sa salitang “forthwith” na nagbigay daan sa pag-archive ng impeachment proceedings laban sa Bise Presidente?

“Lintik lang ang walang ganti,” sabi siguro ng mag-asawa sa Palasyo.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *