Sun. Mar 15th, 2026

Hindi basta tagapagbalita si Percy Lapid kundi tagapagsiwalat ng katotohanan sa panahon ng takot, isang tinig na bumabasag sa ulap ng korapsyon, kawalang-pananagutan, at abuso sa kapangyarihan.

Ang kanyang mga komentaryo gabi-gabi sa “Lapid Fire” ay hindi lamang pamamahayag, ito’y boses ng pagtutol laban sa sistemang kampante sa katahimikan sa gitna ng malawak at sistematikong katiwalian.

Diretso at matindi ang dating kung magsalita si Percy.

Ibinunyag niya ang mga anomalya sa mga kontrata ng gobyerno, kinuwestiyon ang marangyang pamumuhay ng ilang opisyal, at humingi ng pananagutan mula sa mga institusyong matagal nang umiiwas sa pagsusuri.

Hindi mga karaniwang kriminal ang kanyang tinutuligsa,kundi ang mga untouchable, mga heneral, kalihim, at mga makapangyarihang pamilya sa pulitika.

Ginawa niya ang kinatatakutan ng marami kaya siya’y pinatahimik.

Pinaslang si Percy oong Oktubre 3, 2022, sa Las Piñas.

Nagitla ang bansa, hindi lang dahil sa brutalidad ng krimen, kundi sa mga ibinunyag nito na magkakarugtong na sabwatan na umaabot sa pinakasentro ng estado.

Ang sinasabing utak ng krimen, ang dating hepe ng Bureau of Corrections na si Gerald Bantag, ay isang mataas na opisyal na may akses, impluwensiya, at reputasyong malupit.

Ipinakita ng kaso na kahit mula sa loob ng kulungan, maaaring ipag-utos ang pagpatay at maisakatuparan ito nang walang sablay.

Ngunit halos tatlong taon na ang lumipas, nananatiling mailap ang hustisya.

Si Bantag ay hindi pa rin nahuhuli. In-archive na ang kaso.

Ang katahimikan sa kaso ni Lapid ay patunay ng pagguho ng katotohanan sa isang demokrasya na kunwa’y pinangangalagaan ito.

Pinatahimik si Percy dahil hindi siya kayang bilhin, takutin, o makasabwat sa takipan.

Pinatahimik siya dahil kinatatakutan ng mga tiwaling nasa gobyerno ang maaaring isunod niyang ibunyag.

Ngunit hindi dapat dito magtapos ang kwento. Dapat itong magsilbing panawagan para sa mga mamamahayag na patuloy na magsalita, para sa mga mamamayan na patuloy na humingi ng pananagutan, at para sa mga institusyong dapat gampanan ang tungkulin na ipaglaban ang hustisya.

Ang paglimot kay Percy ay pagtanggap na wala nang puwang ang katotohanan sa ating bansa.

Ang patuloy na paggunita sa kanyang buhay at laban ay isang hakbang tungo sa pagpapanatili ng dangal at diwa ng ating demokrasya.

Tuloy ang Laban!

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *