“Once is enough, twice is too much, thrice is poison.”
Isang matalim na babala ito, ang unang pagkakamali ay maaaring patawarin, ang pangalawa ay hindi na dapat tanggapin, at ang pangatlo ay nagdudulot ng matinding panganib.
Ngayong taon, maituturing nang dalawang ulit nang gumawa ng atraso si Senador Alan Peter Cayetano laban sa bayan.
Una, noong Hunyo 10, 2025, nang maghain siya ng mosyong ibalik ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa halip na suportahan ang agarang paglilitis, isinulong niya ang mosyong i-remand o ibalik ang kaso sa Kamara, na nagdulot ng pagkaantala sa proseso.
Ginawa ito ni Cayetano matapos patulugin ng apat na buwan ni noo’y Senate President Chiz Escudero ang isinumiteng Articles of Impeachment ng Kamara sa Senado bunsod sa baluktot niyang interpretasyon sa salitang ‘forthwith.”
Hindi pa rin ito sapat kay Cayetano, kaya ginawa niya ang pangalawang atraso noong Agosto 6, 2025.
Sa halip na tuluyang ibasura ang impeachment complaint, iminungkahi niyang i-archive na lamang ito.
Bagama’t si Senador Rodante Marcoleta ang unang nagpanukala ng pagbasura, pinayuhan siya ni Cayetano na gawing mosyon ang pag-archive ng kaso.
Ipinaliwanag niya na ito ay naaayon sa desisyon ng Korte Suprema na idineklarang “null and void ab initio” ang reklamo at wala sa hurisdiksyon ng Senado.
Ngayon, tinatangka naman niyang gumawa ng pangatlong atraso sa pamamagitan ng paglalako ng panukalang pagbibitiw ng lahat ng matataas na opisyal ng pamahalaan, kabilang ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga senador, at kongresista, kasabay ng panawagan para sa snap election dahil sa malawakang korapsyon sa gobyerno.
Bukod sa walang basehan ito sa 1987 Constitution, malinaw na panlilinlang ito at paglihis sa tunay na pagpapanagot sa mga sangkot sa katiwalian.
Sa halip na itulak ang bukas at malinis na imbestigasyon, tila inililista na lamang ni Cayetano ang isyu sa tubig upang tuluyang kalimutan.
Sa haba ng kanyang karanasan sa politika, dapat ay nauunawaan ni Cayetano na hindi pwedeng basta-basta balewalain ang korapsyon.
Ito ay banta sa pambansang seguridad dahil lalo nitong pinapalala ang kahirapan at kawalang-katarungan na siyang nag-uudyok ng galit ng mamamayan. Kaya nagiging dahilan ito ng krimen, kaguluhang panlipunan, at insurgency sa ating bansa.
Paano nga ba naging senador ang isang tulad ni Cayetano kung ang paglabag sa batas ay nilalampasan lang ng walang pananagutan, at ang mga nagnakaw sa kaban ng bayan ay hindi hinahabol?
Saan at kanino kaya siya humuhugot ng lakas ng loob na kaya niyang tatlong beses na lansihin ang mga Pinoy ngayong 2025?
Ngayon, lalo nang maliwanag na ang mga politikong tulad niya, na nagmula sa mga political dynasty, ay hindi dapat pagkatiwalaan.
Sila ay mistulang mga gahaman na walang kapaguran, nagpapasasa sa kapangyarihan, at nagpapahirap sa bayan.
Ang tunay na kapangyarihan ay nasa mamamayan, at wala sa mga kamay ng mga politikong gaya ni Cayetano.
Kailangan ay walang kapaguran nating pukawin, organisahin, at pagkaisahin ang masa para sa isang tunay na programa ng pagbabago.