Sun. Mar 15th, 2026

Gusto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Maros Jr. na maging transparent ang pag-iimbestiga ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa mga anomalya sa flood control projects at iba pang proyektong pang-imptrastraktura, ayon kay Palace Press Officer Claire Castro.

Ngunit hindi aniya puwedeng idikta ni Marcos Jr. sa ICI kung paano ito gagawin ng komisyon.

“Of course, ang gusto po ng Pangulo ay maging transparent ang lahat, pero kung paano po ito gagawin– Kung ano po ang gagawin ng ICI dito ay kanila po ang kanilang proseso, so hindi po puwedeng magdikta ang Pangulo kung ano ang gagawin ng ICI, baka sabihin po ay dinidiktahan ng Pangulo ang proseso,” sabi ni Castro sa press briefing sa Palasyo.

“So, hayaan po nating magdesisyon ang ICI kung nadidinig po nila ang clamor ng tao ay maging open ito for public ang hearing nila, sila po ang may karapatang magdesisyon dito,” dagdag niya.

Maraming personalidad at grupo ang nanawagan sa ICIna gawing transparent o i-livestream ang kanilang pagdinig gaya ng naging tradisyon sa mga imbestigasyon sa Senado at Kamara.

Matapos itigil ng Kamara at Senado ang pagsisiyasat sa flood control projects ay tanging sa pagsisiyasat na lamang ng ICI umaasa ang taumbayan na makakamit ang hustisya sa tinatayang trilyong pisong napunta sa bulsa ng mga nagsabwatang mga opisyal ng pamahalaan, mambabatas at kontratista. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *