Sun. Mar 15th, 2026

📷: Pamalakaya – Pilipinas | FB

 

Nagpahayag ng matinding pagdududa ang aktibistang grupo ng mga mangingisda, ang *Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas* (PAMALAKAYA), sa kredibilidad, integridad, at pagiging independiyente ng  Independent Commission for Infrastructure (ICI), ang ahensiyang nangunguna sa imbestigasyon kaugnay ng mga iregularidad sa mga flood-control project.

Ayon sa PAMALAKAYA, may hinala silang may “cover-up” sa imbestigasyon at may “piling pananagutan” lamang ang tinutukoy ng komisyon, lalo’t isinagawa ang mga pagdinig  ng closed-door at hindi isinapubliko, sa kabila ng paggamit ng pondong bayan.

“Matamang sinusubaybayan ng sambayanang Pilipino ang mga kaganapan sa imbestigasyon ng mga anomalya sa flood-control, ngunit ang komisyong ito na diumano’y independiyente at bukas ay tila bigla na lamang isinara sa publiko,” pahayag ng PAMALAKAYA.

“Paano tayo magkakaroon ng makabuluhang resulta mula sa isang ‘pseudo-independent’ na komisyon kung hindi nito isinasailalim sa pampublikong pagsusuri at pagmamatyag ang kanilang mga pagdinig?” dagdag pa ng grupo.

Ipinahayag din ng PAMALAKAYA ang kanilang patuloy na pakikiisa sa mga nakatakdang kilos-protesta laban sa korapsyon at para sa pananagutan ng mga sangkot.

“Tuluyan nang nawawalan ng kredibilidad ang ICI dahil sa pagtanggi nitong isapubliko ang imbestigasyon. Duda kami na mapapanagot ang lahat ng sangkot sa malaganap na korapsyon sa flood-control,” giit ng grupo.

“Kaya nararapat pa ring magpatuloy ang pangangalampag ng taong-bayan para igiit ang pananagutan at hustisya. Dapat maibalik ang dinambong na pondo ng bayan sa mga makabuluhang serbisyong panlipunan,” pagtatapos ng pahayag ng PAMALAKAYA. (ROSE NOVENARIO)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *