Umani ng batikos si dating Tourism Secretary Wanda Tulfo Teo matapos ang kanyang Facebook post na tila nanunumbat sa mga kababayan niyang humihingi ng tulong matapos ang magnitude 7.4 na lindol sa Manay, Davao Oriental noong Oktubre 10, 2025.
Ayon kay Teo, na kapatid nina Senador Raffy at Erwin Tulfo, matagal na umanong tumutulong ang kanilang pamilya sa mga taga-Manay kahit walang sakuna. Binanggit niya ang mga programang SLP, AICs, at TUPAD na naipagkaloob sa tulong ni Senador Erwin, pati na ang donasyong lupa kung saan nakatayo ang ospital ng bayan.
Sa kanyang post, sinabi ni Teo:
“Ang mga Tulfo siblings ay laging tumutulong sa inyo maski walang sakuna. Medical assistance from our own pocket… Nag-donate kami ng ilang hectares na lupa kung saan nakatayo ngayon ang hospital ninyo! Hindi pa ba ito sapat na tulong?”
Dagdag pa niya, bagama’t hindi sila lumaki sa Manay, inuuna pa rin umano nila ang Davao Oriental sa pagtulong. Binanggit din niya na nasa Geneva si Senador Erwin para sa isang kumperensya, ngunit may plano na raw ito para sa karagdagang tulong.
“I have been in contact with Gov Nelson. CAN WE NOT WAIT!!!” ani Teo sa dulo ng kanyang post.
Tinanggal kalaunan ang nasabing post matapos umani ng negatibong komento, ngunit kumalat pa rin ito sa social media dahil sa mga screenshot ng netizens.
Marami ang tumuligsa sa tono ng mensahe ni Teo, na para sa ilan ay tila insensitibo sa kalagayan ng mga biktima ng sakuna.
Noong 2018, nagbitiw si Teo bilang kalihim ng Department of Tourism matapos ibunyag ng Commission on Audit (COA) ang paglalagak ng P60 milyon para sa mga tourism advertisement sa programang Kilos Pronto, isang blocktimer show sa PTV-4, kahit walang memorandum of agreement o kontrata.
Ang Kilos Pronto noon ay pinamamahalaan at pinangungunahan ng mga kapatid ni Teo na sina Ben at Erwin.
Natalo ang Turismo Partylist noong 2025 midterm elections na si Teo ang first nominee. (ROSE NOVENARIO)