📷: Health Alliance for Democracy | FB
Sa paggunita ng Nurses Week, nagtipon ang mga nars, manggagawang pangkalusugan, at mga miyembro ng komunidad sa harap ng Department of Health (DOH) upang ipahayag ang kanilang hinaing laban sa malawakang korapsyon at kapabayaan ng pamahalaan sa sektor ng kalusugan.
Ayon sa Filipino Nurses United (FNU), araw-araw ay humaharap ang mga nars sa matinding pagod at kakulangan sa suporta.
“Araw-araw, 20 o mahigit pang pasyente ang inaalagaan ng bawat nars kada duty. Mababa ang sahod, kulang sa pahinga, at madalas walang bayad ang sobrang oras ng trabaho. Mismong mga tagapag-alaga ng mga may sakit ay nagkakasakit na din,” pahayag ng grupo.
Kasama ang Health Alliance for Democracy (HEAD) at iba pang organisasyon, binatikos nila ang patuloy na kakulangan sa sweldo ng mga health professionals, limitadong serbisyong medikal, at kawalan ng libreng gamot at pagpapagamot.
Giit nila, habang naghihirap ang mga manggagawa pangkalusugan, bilyon-bilyong piso ang kinukurakot umano ng mga tiwaling kongresista, senador, at maging si Pangulong Marcos Jr.
Ibinunyag din ng mga grupo na nakikinabang sa sistemang ito ang mga pamilyang dinastiya, kontraktor, at negosyanteng kasabwat ng gobyerno.
Anila, ang ganitong kalakaran ay naglalagay sa panganib hindi lamang sa mga manggagawa kundi pati na rin sa kalusugan ng mamamayan.
Sa kanilang panawagan, iginiit ng mga nagprotesta ang agarang reporma sa sistemang pangkalusugan, makataong sahod, at tunay na serbisyo para sa lahat, hindi para sa iilan. (ROSE NOVENARIO)