Fri. Aug 7th, 2026

📷: GSIS President at General Manager Wick Veloso

 

Suportado ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang hakbang ng Government Service Insurance System (GSIS) trustees na patalsikin si GSIS President at General Manager Wick Veloso, dahil sa iniulat na pagkalugi na umaabot sa P8.8 bilyon at ang kontrobersyal na pamumuhunan ng P1.45 bilyon sa mga kumpanyang may kaugnayan sa sugal.

“The GSIS trustees are absolutely correct in demanding Veloso’s resignation. His continued stay in office is an outright insult to all government employees, including public school teachers, whose retirement security depends on the sound management of GSIS funds,” pahayag ni ACT Chairperson Ruby Bernardo.

Binigyang-diin ni Bernardo na ang mga guro sa pampublikong paaralan ang bumubuo ng pinakamalaking bahagi ng mga miyembro ng GSIS.

Binigyan diin ni Bernardo na halos isang milyong guro ang regular na nag-aambag mula sa kanilang kakarampot na sahod sa pondong ito, umaasang ito ang magtitiyak ng kanilang kinabukasan matapos ang dekada ng serbisyo.

Ngunit sa ilalim aniya ng pamumuno ni Veloso, bilyon-bilyong piso ang nasayang.

“Hindi lang ito pagkalugi sa pananalapi kundi pagnanakaw sa aming mga pangarap, sakripisyo, at pinaghirapang benepisyo sa pagreretiro,” paliwanag ni Bernardo.

Giit ni Bernardo, hindi katanggap-tanggap sa mga guro na labis nang pinagtatrabaho at kulang sa sahod ang malaman ang ganitong kalaking pagkalugi, lalo pa’t matagal na silang pinahihirapan at ibinabaon sa utang ng GSIS dahil sa sobra-sobra at hindi makatarungang paniningil ng interes.

“Malinaw itong pagpapabaya at pagwawalang-bahala sa pawis, dugo, at pagod ng mga guro at kawani ng gobyerno,” dagdag pa niya.

Ang malawakang pagkalugi aniya ay dagdag pa sa mga kuwestiyonableng desisyon ni Veloso.

“Bago pa man ang nakagugulat na pagkalugi, ipinakita na ni Veloso ang kawalan ng tamang paghusga sa pamumuhunan ng P1.45 bilyon mula sa aming pension fund sa mga kumpanyang may kaugnayan sa sugal. Ito ay moral na kasuklam-suklam at walang ingat sa pananalapi. Hindi dapat ginagamit ang aming pinaghirapang kontribusyon upang suportahan ang industriyang sumisira sa mga pamilya at komunidad,” giit ni Bernardo.

“Bilang pinakamalaking grupo ng mga kontribyutor sa GSIS, may karapatan kaming mga guro na manawagan ng pananagutan. Walang humpay kaming nagtatrabaho sa pagtuturo sa mga kabataan ng bansa, kadalasan ay kulang sa kagamitan at suporta. Ang pinakamaliit na nararapat sa amin ay ang maayos at etikal na pamamahala ng aming pension fund,” diin niya.

Nanawagan ang ACT sa GSIS Board of Trustees na tiyakin ang transparency at pananagutan sa imbestigasyon ng mga pagkalugi.

Nananawagan ang ACT ng komprehensibong pagsisiyasat kung paano nangyari ang ganitong kalaking pagkalugi, masusing pagsusuri sa lahat ng kuwestiyonableng pamumuhunan—kabilang na ang sa mga kumpanyang may kaugnayan sa sugal—at agarang hakbang upang mabawi ang pondo.

Bukod pa rito, nais din ng ACT na magsagawa ang administrasyong Marcos Jr. ng konkretong mga hakbang upang maiwasan ang ganitong uri ng pamamahala sa hinaharap.

Dapat anilang tuparin ng GSIS ang mandato nitong paglingkuran ang mga miyembro, hindi makisangkot sa mga kaduda-dudang pamumuhunan na inilalagay sa panganib ang kanilang kinabukasan.

“Ang bawat pisong nawala o ginamit sa maling paraan ay mula sa bulsa ng mga kawani ng gobyerno na araw-araw nagpapagal para sa bayan. Hindi ito dapat palampasin. Panagutin si Veloso, bawiin ang nawalang pondo, at itigil ang paggamit sa kontribusyon ng mga guro at kawani ng bayan sa maanomalyang paraan,” pagtatapos ni Bernardo. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *