INALMAHAN ni Senator Raffy Tulfo ang pag-aangkat ng modern units ng jeepney mula pa sa China na ipapalit sa mga lumang pampasaherong jeep sa bansa bilang parte ng Jeepney Modernization Program.
Ayon kay Tulfo, nangangamoy korapsyon ang proyektong ito lalo pa at kaya naman ng isang local manufacturing industry ng jeepney ang gumawa ng isang de-kalidad na modern jeep sa mas mababang halaga.
Napag-alaman ni Tulfo na ang imported jeepney mula sa Tsina ay nagkakahalaga ng ₱2.6 hanggang ₱2.9 million bawat unit. Higit na mas mahal ito sa isang brand new unit na kaya namang gawin ng local company gaya ng Sarao at Francisco Motors sa halagang ₱900,000 hanggang ₱985,000 lamang bawat isa.
Sinabi ni Tulfo na aabot sa tinatayang ₱1.7 million per unit ang matitipid ng gobyerno kung pipiliin ang local manufacturer kaysa sa isang Chinese company. Bukod dito, kung nasa ₱900,000 lang ang halaga ng bibilhing jeepney, mas kakayanin ng gobyerno ang subsidies para maipatupad ang modernization ng walang gastos sa jeepney drivers at operators.
Idinagdag ng senador, kapag sa bansa mismo natin ginawa ang modern jeepney, ito ay makakalikha ng libo libong trabaho para sa mga manggagawang Pilipino.
Makasisiguro rin ang taumbayan na mapapanatili ang estilo, porma, at disenyo ng jeep na simbolo na ng kultura ng ating bansa kapag ito ay gawang Pinoy.
Nabanggit din ni Tulfo na mahalagang isaalang alang sa modernization program ang kapakanan ng mga Pilipino, lalo pa ng mga pobreng jeepney driver.
Binigyang diin ng senador, “Ang karagatan natin sa West Philippine Sea ay sinasakop na nga ng China, pati ba naman mga kalsada natin ay papayag tayong sasakupin na rin nila?!” (NINO ACLAN)