Fri. Nov 22nd, 2024

Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel

KOMBINSIDO si Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel na isang paraan ng pambubudol sa taumbayan ang inilalargang signature campaign  sa ilang lugar sa bansa para amyendahan ang 1987 Constitution.

“Tingin natin, isang paraan na naman ito ng pambubudol sa taumbayan kasi pag ganoon, iniimpluwensiyahan sila para sumang-ayon sa isang bagay na hindi naman lubos na naipaliwanag sa kanila,” ayon kay Manuel.

Isinusulong sa mga dokumento ang pag-amyenda sa Saligang Batas, partikular ang Article 17 Section No. 1, na nagsasaad na maaaring ipanukala ang Charter change (Cha-cha) ng Kongreso sa botong ¾ ng lahat ng miyembro nito,

Inililihis aniya ng kampanya ang konsepto ng people’s initiative (PI) upang isulong ang pagtatangkang igiit ang Cha-cha.

“Ang mangyayari rito, kung jointly na magpapasya ang Senate at ang House – ang House, merong 300+ members – outnumbered talaga ang Senate,” sabi ni Manuel.

“And for the longest time naman, hindi talaga umuusad ang charter change sa loob ng Senado,” dagdag niya.

Pinag-aaralan ng Makabayan bloc ang paghahain ng resolusyon para imbestigahan ang signature campaign.

Para sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang mga kinakaharap na isyu ng bansa matapos ang 1986 ay walang kinalaman sa Konstitusyon, bagkus ito’y mas may kaugnayan sa uri ng “elite and foreign-dominated system” na umiiral sa kasalukuyan.

“Big landlords, big business, corrupt bureaucrats, political dynasties, foreign intervention are the real problems,” anang Bayan sa isang kalatas.

Giit ng grupo, ang pagbabago ng Saligang Batas ay hindi makalulutas sa mga problema ng Pilipinas, ito’y  mas papabor sa mga interes ng naghaharing uri na nagbaon sa bansa sa kahirapan.

“Those pushing for Charter change now have benefited from neoliberal economic policies that cha-cha seeks to expand. Opening up the economy to 100% foreign ownership does not benefit the poor. It benefits big business and the bureaucrat capitalists engaged in the plunder of our resources.”

Hindi naman anila hinihingi ng sambayanang Pilipino na baguhin ang Konstitusyon at ang hirit  ng publiko ay baguhin ang umiiral na bulok na sistema na pinakikinabangan ng iilan.

Binigyan diin ng Bayan na ang gusto ng mga Pinoy ay repormang agraryo, pambansang industriyalisasyon, tunay na soberenya, respeto sa batayang karapatang pantao at demokrasya.

Tiniyak ng grupo na tututulan ng taumbayan ang nilulutong Cha-cha ng mga naghaharing elitista sa Kongreso. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *