Fri. Nov 22nd, 2024
Atty. Carlos Zarate

LALAKAS ang puwersang laban sa administrasyong Marcos Jr. kapag ipinilit ang pag-amyenda sa 1987 Constitution.

Ito ang hindi sinasadyang kahihinatnan nang ipinupursigeng signature campaign para sa people’s initiative tungo sa Charter change (Cha-cha), ayon kay Bayan Muna Executive Vice President Rep. Carlos Zarate sa panayam sa PressOne.Ph kamakalawa.

“Sa aming hanay consistent naman kami na talagang lalabanan ito sa Kamara, Kongreso, korte at maging sa kalsada. KKK ang tawag namin dyan. Yung tinatawag ko na unintended consequence nito ay dahil nga ‘yung UniTeam na sinasabi nila ay basag na ‘yun, naglabas na  rin ng statements ‘yung kabilang kampo na lalabanan nila ito. So magkakasama-sama ang mga grupo rito, basa ko kanina parang may pinalabas na kalatas na si Bishop Broderick Pabillo. Andyan ‘yung Simbahan, andyan ‘yung progressive groups, andyan din ang Senate, mga taga-Senado dahil tatamaan sila nito at andyan din yung traditional opposition groups and ‘yung mga nagsasabi na opposistion groups na sila ngayon,” ani Zarate.

“Magkakaroon ng broad alignment of forces dahil nakita nga talaga na ang nasa likod nito ay hindi naman talaga para sa interes ng maraming mamamayan kundi interes lang ng iilan na nasa pamahalaan,” dagdag niya.

Sa tuwina aniya ay dalawa ang pakay ng mga nagpapakana ng Cha-cha; political agenda o pagtanggal sa term limits ng mga halal na opisyal ng pamahalaan at ang pagpalit ng uri ng pamahalaan mula presidential sa parliamentary habang ang  economic agenda ay pagsusulong ng interes ng malalaking negosyante at pagbubukas sa national patrimony ng Pilipinas sa pagsasamantala ng mga dayuhang mamumuhunan.

Sa inilabas na 2022 Investment Climate Statement ng US State Department kaugnay sa Pilipinas, ang tinukoy na mga pangunahing alalahanin ng mga mamumuhunan sa bansa ay “poor infrastructure, high power costs, slow broadband connections, regulatory inconsistencies, and corruption” at hindi ang 1987 Constitution.

Ilang pagtatangka sa mga nakalipas na administrasyon na amyendahan ang Saligang Batas ang hindi nagtagumpay dahil sa matinding pagtutol ng mga mamamayan. (ROSE NOVENARIO)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *