PINAIIMBESTIGAHAN ng Makabayan bloc ang inilalargang signature campaign para isulong ang Charter change bunsod ng mga ulat na binayaran ang mga pumirma at isinabay ito sa pamamahagi ng mga ayuda mula sa gobyerno.
Sa ilalim ng House Resolution 1541 na inihain nina House deputy minority leader at ACT Teachers party-list representative France Castro at ng Makabayan bloc ay iginiit ang pagsisiyasat sa umuusad na people’s initiative para isakatuparan ang Cha-cha.
Nakasaad sa resolution ang mga ulat ng signature buying sa Barangay Silangan, San Mateo, Rizal; Barangay Pinyahan, District 4 at Barangay Kalusugan sa Quezon City; Caloocan; Valenzuela; at Gerona, Tarlac noong Kapaskuhan.
Nauna rito’y isiniwalat ni Sen. Imee Marcos na may inilaang P20 milyon pondo kada distrito para sa people’s initiative. ( NINO ACLAN)