Tablado kay dating Sen. Antonio Trillanes IV ang umano’y ipinadala sa kanyang mga emisaryo ni Sen. Bong Go para areglohin siya at hindi niya maisama sa sasampahan ng kasong plunder.
“Problema kasi ni Bong Go alam mo ilang conduit ang pinadala niya sa akin para aregluhin para hindi siya isama pero hindi niya ako mabili ng pera niya,” isiniwalat ni Trillanes sa programang Sa Totoo Lang sa One PH kagabi.
“Kasi ilang emisaryo ang pinadala niya sa akin para umatras ako dito sabi ko naku lalo akong ginaganahan na mag-file ng case kapag ginaganyan ako. Eh nakahanap siya ng katapat na hindi nabibili ng pera kaya nandirito tayo ngayon,” dagdag niya.
Ayon kay Trillanes, anim na taon naghalukay ang administrasyong Duterte kung siya’y sangkot sa anomang anomalya ngunit ni isang corruption case ay walang nakita kaya’t 3- libel case ang isinampa laban sa kanya.
Hinamon niya si Go na ngayong wala na itong protector, sagutin na lamang ang kasong plunder na isinampa niya sa Ombudsman kaysa magpakawala ng mga pang-iinsulto laban sa kanya.
“Dami niyang sinabi sa akin pero wala siyang sagot sa kaso na binigay ko. Sabi niya rehash e hindi mo naman sinagot e. Di ba nakita mo nga sa presscon kailangan pa niyang basahin yung sagot niya kahit yung reaksyon niya pang-insulto niya sa akin okay na yan sige bigay ko na basta sagutin mo yan sa Ombudsman dahil wala na silang protector,” giit ni Trillanes.
Umabot aniya sa 200 kontrata ang nasungkit ng tatay at kapatid ni Go at malinaw na conflict of interest ito dahil ipinagbabawal sa batas na magkaroon ng negosyo sa gobyerno ang kaanak ng opisyal at kawani ng pamahalaan.
“S total of 200 contracts ang nabigay niya sa tatay at kapatid niya. Yan po ang facts. Eto hindi niya mapagkakaila na hindi pwedeng nakakuha ang mga ito nang wala siyang impluwensya at kahit na sabihin niyang wala siyang impluwensya, the law define it na pagka-nasa posisyon ka ng gobyerno na maaaring ma-impluwensya sa mga kontrata na yan, dapat ito ay pinagbabawalan. Yan nga ang tinatawag na conflict of interest. Kaya nga namimilipit na e wala na siyang protektor ngayon. Wala na si Digong wala na rin si Martires sa Ombudsman kaya ganyan na po yan,” paliwanag ni Trillanes.
Trillanes tinawag si Bong Go na ‘mastermind’ sa flood control anomalies
Tahasang tinawag ni Trillanes si Go bilang mastermind sa mga anomalya sa flood control projects bunsod ng pag-amin ng mga Discaya na lumago ang kanilang negosyo noong administrasyong Duterte.
Maging si Pasig City Mayor Vico Sotto aniya ay tinukoy si Go bilang “backer” ng mga Discaya.
“Ang sinasabi niya bakit hindi yung mastermind ang tugisin ko? Siya na nga po ang mastermind. Nakita niyo po si discaya inamin na niya na lumago ang kanyang negosyo noong 2016 noong naging presidente si Duterte at sinabi ni Mayor Vico Sotto, ang nasa likod na backer ni Discaya ay si Bong Go,” sabi ni Trillanes.
“Kapag nagsasalita ang mga Discaya wala silang tinuturong personalidad from 2016 to 2022 kahit yun ang pinakamamalaking proyekto nila. Ganun din si Usec. Bernardo na si Bong Go mismo ang nag-appoint noong 2017. Hindi mo rin maririnig na siya yung tinuturo. Lahat ito pinoproteksyunan si Bong Go. Si Bong Go mismo ang mastermind ng nangyaring ito.”
“Parang lumalabas ngayon lang pumutok ang isyung ito. Hindi po ito nagsimula sa present admin. Binuo nina Bong Go ang sindikato na yan noong Presidente si Duterte kasi nga as early as mayor pa lang si Duterte e ganyan na yung modus nila di ba palagay niyo paano nakakaabot ng 200 contracts na naipanalo noong tatay at kapatid niya habang mayor si Duterte? Sila yung approving authority. Tapos nung presidente ganun din.”
“Meron tayong nadagdag na 300 million pesos worth of flood control projects tapos yung joint venture contracts ng CLTG with the Discayas, ang total po nito ay halos 900 million pesos kaya yung sinasabi niya na walang kaugnayan with the Discayas tatay niya yun e. Hindi naman niya pwede na hindi nila napag-uusapan yun. P 2 billion worth noong mayor tapos P 5 billion noong presidente na.”
Trillanes, kakaririn ang pagtugis kay Bong Go at iba pang alipores ni Duterte
Sinabi ni Trillanes na tila minamaliit ng mga Duterte ang kanyang katatagan ngunit napatunayan niya na nakapaghintay siya ng walong taon bago nagbunga ang kanyang inihaing reklamo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
“Itong mga Duterte, ina-underestimate nila ang pagka-resilient ko. Alam niyo yung ICC case, umabot ng 8 years yun bago nagbunga. So ito kakaririn ko kasi nakita ko kung ano ang damage na nagawa nila at ang dami pang naloko at naloloko hanggang ngayon. Binubudol nila dahil nababaha nila ng pera ang social media even the mainstream media kaya na-twi-twist nila ang katotohanan. Pero hindi ako susuko sa mga ito. Nakulong na nga yung amo niya e ngayon edi siya naman ang isunod natin,” pagtiyak ng dating senador.
Patuloy ang pagtulong ni Trillanes sa International Criminal Court (ICC) at inaasahan niya na si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang susunod na ipapaaresto at si Go naman sa 2026
“Si Bato yung susunod na aarestuhin. Nasa waiting game tapos si Bong Go mga next year. We continue to help ICC sa pagkalap ng testigo at ebidensya.”
Ang importante para kay Trillanes ay managot sa krimen si Go kahit saan pa siya maunang makulong, sa ICC o sa Pilipinas sa kasong plunder.
“Whichever comes first. Kung mauna ICC e di kulong siya. Kung mauna warrant dito, kulong siya…importante dito, mapanagot mga krimen na ginawa nila.” (ROSE NOVENARIO)
