NANAIG ang pananakot ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa mga Pinoy noong panahon ng COVID-19 pandemic para umano’y ilusot ang P18.8-B Pharmally scam kaya dapat usisain muli ang anomalya.
“Dapat ganyan talaga usisain lahat yan. There was a sword of the Dutertes, hanging lahat sa mga government officials, ang dali-dali takutin kasi ng Pilipino e. ‘Yan ang problema natin. Kaya ako, sinangkalaan ko ang katawang ko at kaluluwa ko na maninindigan ako para makita ng mga tao, na kung maninindigan ka, may maabot ka. Hindi kami nagblink sa pananakot, sa intimidation,” sabi ni dating Sen. Richard Gordon sa programang Sa Totoo Lang sa One PH kagabi.
Ininsulto aniya ni Duterte ang Senado, Commission on Audit (COA) at maging ang kanyang nanay sa layuning ipatigil ang isinasagawa niya noong imbestigasyon sa Senate Blue Ribbon Committee sa anomalya sa paggawad ng kontrata ni dating PS-DBM head Lloyd Christopher Lao para sa pag-supply ng COVID-19 items kahit walang hawak na supply nito at walang puhunan ang kompanyang Pharmally dahil sa koneksyon nito sa matalik na kaibigan ni Duterte na si Michael Yang.
“Yung pag-iinsulto sa Senado, pag-iinsulto sa COA, yan talagang pananakot na sasapakin kita. Quote-unquote. I have all those quotes. Pati nanay ko minumura. Eh naninindigan tayo. Hindi tayo kailangan bumaba sa level ng mga klaseng tao. Dapat labanan natin ng ating malinaw na pag-iisip, ang tamang batas na dapat natin sundan,” ani Gordon.
Sinabi ni Gordon na hindi siya nawalan ng pag-asa na mapapanagot ang mga nasa likod ng multi-bilyon pisong Pharmally scam, lalo na’t batid niya na hindi ito nangyari kung walang basbas ni Duterte.
“I’ve always been optimistic. ang group ko niya sinasabi ko ang broom, ang blue ribbon at ang mga staff ko dati sa Senado. Wala akong kaduda-duda na talagang hindi mangayayri ito kung wala si President Duterte at si Michael yang nagkuntsyaba para ilipat ang pera na dapat sa DOH nilipat sa PS-DBM na kanyang inappoint yung mga tao na Davao group na nagtrabaho sa kanya,” paliwanag ni Gordon.
“Makikita mo talaga ang galamay nila nagsambulat talagang tatakutin at tatakutin ang mga mamamayang Pilipino para talaga nakagupo tayo at wala maglalakas ng loob.”
Pharmally case, muling susuriin
Iniurong ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla kamakailan, ang ilang kaso kaugnay ng Pharmally mula sa Sandiganbayan upang muling suriin.
Ayon kay Remulla, nais niyang maging “handa para sa paglilitis” ang mga kaso at kinuwestiyon ang kahandaan at pagkakabuo ng mga naunang reklamo.
Ipinahiwatig din ni Remulla na maaaring maisama si dating Pangulong Duterte sa mga muling isinumiteng kaso, depende sa ebidensyang makakalap.
Inihayag nang pinalitan ni Remulla na Ombudsman, si Samuel Martires, isang Duterte appointee, na walang sapat na batayan upang isakdal si Duterte sa kasong katiwalian.
Sa kasalukuyan, may 14 na kaso kaugnay ng Pharmally na nakabinbin sa iba’t ibang dibisyon ng Sandiganbayan.
Ang ilan ay muling isinampa mula sa mababang hukuman, habang ang iba ay bagong isinumite nitong mga nakaraang buwan.
Tinukoy ni Remulla ang Pharmally case bilang “major backlog” sa kanyang tanggapan at isang “symbol of impunity,” na nagpapakita ng pangangailangan para sa masusi at tuloy-tuloy na pag-uusig. (ROSE NOVENARIO)