Dalawang buwan bago matapos ang taong 2025, naglabas ng memorandum si People’s Television Network Inc. General Manager Malou Choa-Fagar hinggil sa nakaambang sibakan ng mga empleyado na ang kategorya ay contract of service, sa katuwirang magpapatupad ng austerity measure o pagtitipid ang state-run media network.
Napag-alaman na mayorya sa mga kawani ng PTNI ay contract of service.
Inisyu ni Fagar ang memorandum, ilang linggo matapos ang petisyon ng mga taga-News Department kaugnay sa reklamo ng “repeated acts of bullying, humiliation, and mistreatment inflicted by Mr. Dominic Alfelor, who currently serves as Broadcast Specialist and oversees the Department.”
Matapos bumulaga sa media ang usapin ay nagtungo si Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez sa tanggapan ng PTNI at inutusan si Fagar na bigyan ng 72 oras si Almerol para magpaliwanag, batay sa pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing.
Parang wala namang nangyari sa petisyon ng mga dismayadong empleyado, hindi pinatawan ng disciplinary action ni Choa-Fagar si Almerol at ang ilan sa mga lumagda sa petisyon ay umano’y nabuweltahan pa.
Hindi natin maintindihan kung bakit tila tatak na ni Gomez ang maging allergic sa kritisismo sa PCO, ang PTNI kasi ay isang attached agency ng kagawaran.
Matatandaan na ang beteranong broadcaster na si Mike Abe ay agad niyang inalisan ng programa, isang araw matapos batikusin ang tumutulong mga bubong at mga sirang aircon sa gusali ng PTNI.
Taliwas sa pagiging balat-sibuyas ni Gomez ang kanyang patron na si Pangulong Bongbong Marcos na ibinuyangyang pa sa buong mundo ang mga korapsyon nangyari sa kanyang administrasyon at hinikayat pa ang publiko na isumbong sa kanya ang mga nalalaman katiwalian sa pamahalaan para maimbestigahan.
Imbes kastiguhin ni Gomez ang nagpabaya o nag-abuso sa PTNI, ang mga contract of service employees na umaasa ang pamilya sa kakarampot na sahod, ang tatamaan ng palakol.
“Posible kayang ginagamit ang “austerity measure” bilang dahilan para purgahin ang PTNI sa mga umaalmang kawani o kaya’y upang magkaroon ng “savings” ang ahensya para may paghatian ang mga opisyal sa pagtatapos ng taon?” tanong ng mga dismayadong kawani.
“Paanong kakapusin ang pondo ng PTNI, kuwentada na ang lahat ng gastos nito at nakapaloob ito sa subsidy nitong P215.257-M mula sa P3.399 – B budget ng PCO para sa taong 2025?” dagdag nila.
Malaking kuwestiyon talaga kung totoo bang nagtitipid ang PCO lalo na’t nagmistula umanong Santa Claus si Gomez sa pagbibigay ng libreng air fare at accommodation sa ilang mga sumama sa kanyang patron sa katatapos na ASEAN Summit sa Malaysia.
Sana ay tumimo sa isip at puso ni Gomez na ang PCO ay hindi industriya ng tabako na kahit masama sa kalusugan ang sigarilyo ay inilako niya ng ilang dekada.
Ang PCO ay mouthpiece ng gobyerno ngunit upang maibenta ng maayos ang administrasyon, dapat ay may malasakit din ang mga opisyal sa mga ordinaryong kawani na nasa likod ng propagandang Bagong Pilipinas.