Fri. Feb 13th, 2026

Inimbita umano ng ilang retiradong opisyal ng militar si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na maging bahagi sa ikinakasang civilian-military junta kapag napatalsik sa poder sina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte, ngunit dinedma ito ng senador.

Isiniwalat ito ni Lacson sa panayam sa Super Radyo DZBB Linggo ng hapon.

“Meron. Sa akin nga merong nag-uudyok eh. Igihan ko raw para mawala yung president at bise presidente. Mawala lahat yung ano, ang gusto eh civilian-military junta,” tugon ni Lacson sa tanong kung may impormasyon siya hinggil sa destabilisasyon laban sa administrasyong Marcos Jr..

“May mga nagme-message sa akin mga retired military, di ko na babanggitin ang pangalan. Dine-deadma ko nga eh. Meron pa ngang offer na maging part ako ng junta eh, ng council eh.Kaya nga dine-deadma ko eh,” dagdag niya.

Sinabi ni Lacson na hindi niya masisisi kung may mga nagbabalak na palitan sina Marcos Jr. at Duterte dahil napakatalamak at sistematiko ang nalantad na korupsyon.

“Maraming malikot ang isip kasi kapag ganitong meron crisis, lalo pa nga’t napakatalamak ng katiwalian, minsan hindi mo rin masisi yung iba ng kung anu-ano na extra legal, unconstitutional na yung iniisip nila. Siguro in their passion na mabago na ang sistema kasi naging systemic talaga ng corruption, doon sila nanggagaling,” ani Lacson.

Gayunman, naniniwala si Lacson na walang magandang naidulot ang dalawang beses na nakialam ang militar para palitan ang gobyerno, noong 1986 People Power 1 na nagpabagsak sa rehimeng Marcos Sr. at EDSA People Power 2 noong 2001 na nagpatalsik sa rehimeng Estrada kung saan ay bahagi ang senador  bilang noo’y PNP chief.

“Dalawang instances na nag-intervene ang military, 1986, 2001. Puwedeng mangyari kasi kapag nag-withdraw ng support ang military ,nangyari dalawang beses na , EDSA 1, EDSA 2. Huwag naman sanang mangyari ngayon kasi wala namang magandang naidulot , meron bang nagbago?” aniya.

Makabubuti aniya para sa bansa na hindi humupa ang galit laban sa katiwalian at ang panawagan ng Simbahang Katoliko na habulin ang mga corrupt kaysa magkagulo.

“Nasa ating lahat yan eh , itong nangyayari ngayon mabuti na rin na hindi humuhupa ang galit kasi nung nag-usap nga kami nina Cardinal Ambo David , kasi nakapag-usap kami sa bahay ni Sen. Drilon, months ago na ito. Maganda yung aming pag-uusap , I think andun si dating Finance Secretary del Rosario,” kuwento niya,

“Maganda yung usapan namin kasi para sa ikabubuti ng bansa , hindi sa ikagugulo. Natutuwa nga ako kasi yung Catholic Church ang kanilang panawagan ay habulin lang natin ang mga corrupt.”

Panawagan ni Lacso: “Huwag tayong maghangad na magkagulo ang ating bansa , maganda ang kanilang panawagan. Kasi kapag nauwi na sa violence, ano ang idudulot sa bansa natin ngayon pa naman na talamak ang corruption, bagsak ang stock market. Yung peso natin 59 na yung dollar -peso rate. Tapos nawawala ang investors.”

Para kay Lacson, positibong mga hakbang ang gingawa ng pamahalaan sa pagpapanagot sa mga nagnakaw sa kaban ng bayan.

“Kaya mabuti nga rin yung nangyayari na positive steps being undertaken by the national government, na yung Ombudsman, DPWH, ICI kahit paano mayroon first major step, nag-isyu ng warrant of arrest sa major personalities at pagsasampa ng kaso sa iba pang major personalities,” wika niya.

“Kaya ang panawagan ko rin, ako personal ko, short of resorting to violence , wag humupa ang ating galit , ng ating mga kababayan. Tuluy-tuloy yung ating panawagan na tigilan na ang katiwalian, tigilan na ang korupsyon.” (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *