Fri. Feb 13th, 2026

Baguhin ang Korap at Bulok na Sistema!

Makabayan, Nobyembre 2025

 

Ang laganap at talamak na korapsyon, at ang kawalan ng makabuluhang pananagutan ng mga nasasangkot, ang mga patunay ng sukdulang kabulukan ng umiiral na sistema. Ang mga institusyon ng gobyerno, mula Malakanyang, Kongreso at mga Korte ay pawang mga pugad ng korapsyon. Mula itaas hanggang ibaba, nagaganap ang sistematikong nakawan at walang tunay na nananagot. Ilang dekada na tayong pinagnanakawan at niloloko mula sa diktadurang Marcos noon hanggang sa rehimeng Marcos ngayon.

Sa mga nagdaang buwan ay lumakas ang panawagan para itigil ang pandarambong sa kabang yaman, at baguhin ang bulok na sistemang pinaghaharian ng mga dayuhan at iilan. Ang mga problema natin sa pamamahala ay mahigpit na nakaugnay sa mga problema natin sa ekonomiya. Ang pamamayagpag ng mga korap na pulitiko at mga dinastiya ay nakaugnay sa pananatili ng malawak na kahirapan, sistemang padrino at ang matagal nang kawalan ng tunay na pag-unlad sa ating bansa.

Naghahanap ngayon ang mga kababayan natin ng solusyon na hindi lang paimbabaw, hindi pansamantala, kundi malaliman at pangmatagalan. Hindi na maaaring umasa pa sa mga pulitikong paulit-ulit na lang tayong pinagnanakawan at niloloko. Hindi Marcos, hindi Duterte o mga pulitikong tulad nila. Hindi simpleng eleksyon ang solusyon sa krisis ng lipunan kung saan sila-sila pa ring mga burukrata kapitalistang dinastiya ang nagdodomina.

Hindi tayo maaaring umasa lang sa halalan dahil ang halalan sa Pilipinas ay kontrolado at pinaghaharian ng pinakamayayaman – ng mga dinastiya na kumakatawan sa interes ng mga dayuhan at iilan. Sa kasaysayan ay iniimpluwensyahan ng US ang resulta ng eleksyon. Layon nilang panatilihin ang sistemang nagsasadlak sa mayorya ng sambayanan sa krisis at kahirapan, sa kapakinabangan ng mga lokal at dayuhang kapangyarihan.

Ang paglaban sa korapsyon ay paglaban sa burukrata kapitalismo, sa paghahari ng dayuhang interes at sa laganap na pambubusabos. Kailangang magsama-sama ang lahat ng aping sektor sa bansa bilang makapangyarihang pwersa ng pagbabago. Makakamit lang ng taumbayan – ng mga manggagawa, magasasaka, maralita, katutubo, kabataan, kababaihan at iba pang aping sektor – ang kanilang pambansa at demokratikong mithiin kung sila ay sama-samang kikilos. Isang makabayang gobyerno, na bubuuin ng mga tunay na kinatawan ng taumbayan, ang maghahawan ng daan para sa makabuluhang pagbabagong pang-ekonomiya at pampulitika.

Ito ang ibig sabihin ng pagbabago ng bulok na sistema. Higit sa pagbabago ng personalidad na nasa pwesto, kailangan ng pagbabagong panlipunan. Ito ang hinahapag na alternatibo ng Makabayan. Atin itong suportahan at sama-samang ipaglaban.

  1. Kapangyarihan sa taumbayan! Ipaglaban ang gobyernong makabayan! Wakasan ang paghahari ng mga dayuhan at iilan, buwagin ang mga political dynasties at panagutin ang mga korap at nang-abuso sa pwesto. Buwagin ang pork barrel system at mga sanhi ng korapsyon sa gobyerno. Kamtin ang tunay na kapangyarihan ng taumbayan lalo na ang mga manggagawa magsasaka, maralita, katutubo, kabataan, kababaihan at iba pang inaapi.
  2. Ekonomiyang makabayan, wakasan ang kahirapan! Isulong ang pambansang pag-unlad na nakabatay sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Wakasan ang dayuhang dikta sa ekonomiya at unahin ang interes ng Pilipino. Buwagin ang pyudalismo sa kanayunan na batayan sa pag-iral ng mga political dynasties.
  3. Kagyat na ginhawa para sa taumbayan! Itaas ang sahod at sweldo para sa mga manggagawa at kawani. Ibasura ang mga labis na buwis na pabigat sa mamamayan. Gawing libre ang mga batayang serbisyo lalo na ang edukasyon at kalusugan. Gawing pag-aaring publiko ang kuryente, tubig, at transportasyon at paglingkurin ang mga ito para sa interes ng taumbayan.
  4. Ipaglaban ang pambansang soberanya! Itaguyod ang independyenteng patakarang panlabas at ibasura ang lahat ng hindi pantay na kasunduan sa mga dayuhan. Itaguyod ang diplomasya bilang instrumento ng paglutas ng sigalot. Wakasan ang presensya ng dayuhang base at tropa ng US. Itaguyod ang sovereign rights sa West Philippine Sea.
  5. Pangalagaan ang kalikasan! Itaguyod ang karapatan sa ligtas na kapaligiran, itigil ang mapanirang programa sa kalikasan, ibasura ang mga mapanira at makadayuhang batas sa kalikasan, at itaguyod ang batas na maka-kalikasan.
  6. Itaguyod ang karapatang pantao at kamtin ang makatarungang kapayapaan! Ipaglaban ang hustisya para sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Itaguyod ang karapatan ng mga Pambansang Minorya at mamamayang Moro. Buwagin ang mga instrumento ng human rights violations tulad ng NTF-ELCAC at Anti-Terror Law. Muling buksan at ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.
  7. Isulong ang paglaya ng kababaihan at LGBTQ at ang laban kontra sa diskriminasyon, pagsasamantala at pang-aabuso.
  8. Itaguyod ang kultura’t edukasyong makabayan! Suportahan ang sining at kulturang naglilingkod sa taumbayan at pambansang paglaya. Isulong ang makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon bilang pambansang patakaran. ###

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *