📷: Bayan | FB
Mariing tinutulan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang mga pahayag na ang panawagan para sa pagbibitiw nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte sa gitna ng mga iskandalong may kinalaman sa korupsiyon ay labag sa Konstitusyon o “out of bounds.”
Tinuligsa ng alyansa ng mga progresibong organisasyon ang mga pahayag ng ilang opisyal ng gobyerno na ang kanilang panawagan ng pagbibitiw para sa dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa ay “part of a sinister plot.”
“On the contrary, resignation is a perfectly legitimate, democratic, and constitutionally contemplated remedy when the country’s highest officials lose the moral authority and public trust required to govern,” ayon sa pahayag ng BAYAN nitong Martes.
Lumabas ang pahayag matapos igiit ni Senador Panfilo Lacson nitong nakaraang weekend na ang pagpapalit ng liderato sa labas ng konstitusyonal na proseso ay “unacceptable.”
Ayon pa sa mga ulat, sinabi ni Acting AFP spokesperson Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na iniimbestigahan ng militar ang posibleng ugnayan ng ilang grupong nananawagan ng pagbibitiw sa mga “foreign entity.”
Gayunman, tumutukoy sina Lacson at Trinidad sa mga retiradong opisyal-militar na kabilang sa United People’s Initiative na nagsagawa ng isa pang anti-corruption rally sa People Power Monument nitong weekend.
Nauna nang sinabi ni Palace spokesperson Undersecretary Claire Castro na hindi opsyon ang pagbibitiw para kay Marcos Jr., kahit pa inakusahan ni Senadora Imee Marcos na “drug dependents” ang buong pamilya ng Pangulo.
Binigyang-diin ng BAYAN na nakababahala ang mga ulat na iniimbestigahan ang mga nananawagan ng pagbibitiw kina Marcos at Duterte.
Itinuro ng alyansa ang Article VII, Section 8 ng 1987 Konstitusyon na kumikilala sa pagbibitiw ng Pangulo at Pangalawang Pangulo bilang lehitimong paraan ng pagkakaroon ng bakante sa posisyon, na magpapagana sa linya ng konstitusyonal na tagapagmana.
“The framers of the Constitution explicitly anticipated situations where a sitting president and vice president may no longer effectively lead the country. They provided a peaceful, orderly mechanism for this eventuality,” dagdag ng grupo.
Giit ng BAYAN, ang panawagan ng pagbibitiw at transisyon ay hindi destabilization kundi pananggalang ng mamamayan laban sa matinding korupsiyon, pamumunong dinastiko, at sistemikong pagkabulok.
“The Constitution anticipated this moment, and the people are now asserting their sovereign right to demand a government that works for them, not against them,” ayon pa sa BAYAN.
Sa panayam ng OneNews, nagpahayag ng kaparehong pananaw si dating Integrated Bar of the Philippines president Egon Cayosa na ang panawagan ng pagbibitiw ng Pangulo ay saklaw pa rin ng kalayaan sa pamamahayag.
Dagdag na rebelasyon ni Zaldy Co
Samantala, naglabas ng panibagong video si dating House appropriations committee chair Elizaldy Co hinggil sa umano’y korupsiyon ng administrasyong Marcos, na ngayon ay isinama na rin si presidential son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.
Sa kanyang ikalimang video, sinabi ng puganteng mambabatas na si Sandro ay nagpumilit sa mga budget insertions dahil nakapagbigay na umano ng cash advances ang mga kontraktor sa kanya mula sa mga kickback sa proyekto ng public works.
Ayon kay Co, nagalit si Sandro dahil hindi naibigay ang P8 bilyong halaga ng budget insertions para sa distrito ng kongresista sa 2025 national budget.
Nagbanta umano si Sandro na patatalsikin si Co bilang appropriations committee chair kahit pa nakatanggap na ng P9.3 bilyon noong 2023, P20.17 bilyon noong 2024, at P21.12 bilyon ngayong taon.
Sa kanyang bagong video, nagbigay si Co ng tiyak na petsa at lugar ng mga umano’y pagpupulong kasama si Pangulong Marcos, dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at Justice Undersecretary Jose Cadiz hinggil sa budget insertions.
Sa isa sa mga pagpupulong sa Malacañang ngayong taon, iniutos umano ni Marcos Jr. kay Co na huwag pakialaman ang mga budget insertions, “making it clear the orders came from him.”
Hindi rin tinanggal ni Marcos Jr. si dating budget secretary Amenah Pangandaman na naghanda ng mga budget insertions na umano’y “could no longer recognize” ng Pangulo.
Panawagan para sa Transition Council
Ayon sa BAYAN, ang tugon ng administrasyong Marcos Jr. sa flood control scandal ay pawang mga “token resignations, secretive investigations, political cover-ups, at pagtatangkang paliitin o ilihis ang galit ng taumbayan.”
“The tragic reality confronting the Filipino people is this: the current administration, like those before it, has utterly failed and is not serious in ending corruption and its devastating consequences,” giit ng grupo.
“It is only the people’s outrage that has fueled the search for accountability,” dagdag pa ng BAYAN.
Binigyang-diin ng alyansa na sa isang gumaganang demokrasya, kapag hindi na kayang tiyakin ng mga lider ang katapatan, kakayahan, at pananagutan, dapat silang magbitiw upang magsimulang maghilom at muling bumangon ang bansa.
“That is why we call for the establishment of a broad-based, civilian-led National Transition Council (NTC) — a temporary, inclusive, transparent governance mechanism to guide the country from this crisis toward meaningful democratic renewal,” ayon sa BAYAN.
Nilinaw ng grupo na ang NTC ay hindi junta, kundi binubuo ng mga sibilyan mula sa tunay na oposisyon, mga organisasyon ng batayang sektor, lider-simbahan, mga eksperto sa batas, akademiko, repormistang negosyante, at mga opisyal pampulitika at militar na may integridad.
Dagdag pa ng BAYAN, ang NTC ay maaaring:
- Magpatupad ng tunay na pananagutan sa pamamagitan ng malayang imbestigasyon at pag-usig sa lahat ng kaso ng korupsiyon nang walang panghihimasok ng politika;
- Isakatuparan ang matagal nang ipinagpalibang mga reporma gaya ng anti-political dynasty law na nakasaad na sa Konstitusyon ngunit sadyang binalewala ng Kongreso sa loob ng halos apat na dekada; at,
- Ihanda ang malinis, kapani-paniwala, at demokratikong halalan sa pamamagitan ng reporma sa COMELEC at pagpapatupad ng tunay na transparent hybrid election system.
Ayon sa BAYAN, limitado at may takdang panahon ang mandato ng NTC upang linisin ang mga institusyon, palakasin ang mga demokratikong pananggalang, ibalik ang tiwala ng mamamayan, at tiyakin na ang susunod na halalan ay malaya sa pamamayani ng mga dinastiya, pagbili ng boto, manipulasyon ng budget, at korupsiyon. (ROSE NOVENARIO)