Sat. Mar 14th, 2026

📷: Former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co

 

Tinatayang aabot sa isang bilyong dolyar ang kabuuang “nakaw na yaman” ng puganteng dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla.

Nagsimula aniyang ipuslit ni Co palabas ng bansa ang kanyang mga kayamanan matapos siyang tanggalin bilang chairman ng House Appropriations Committee noong Enero 2025.

Dinala umano ng private plane,na pagmamay-ari ni Co, sa Middle East ang kanyang mga kayamanan habang ang iba ay nailipat sa pamamagitan ng crypto.

“Nagsimula ito mula tinanggal siya bilang appropriations chair parang he saw the writings on the wall, Kriminal talaga. Gumawa talaga ng paraan alam nya wala pang charges,” sabi ni Remulla sa Fact First with Christian Esguerra podcast.

“Ang alam namin over P5-B was transferred through crypto lumabas dito sa Pilipinas at marami rin siyang account na maaga pa lang ay dinala sa Middle East. Ang alam ko dinala ng private plane sa Middle East,” dagdag niya.

“Ang nailabas over P12-B. Magkakahalo na lahat yun. Paintings, jewelries, maraming gold bars, marami silang na-transfer over the past few months.”

Naniniwala si Remulla na ang pagkuha ng Portiuguese passport ni Co ay bahagi ng ‘escape route” ng mambabatas .

“Ganyan talaga ang mga kriminal na magagaling, may escape route sila,” aniya.

Plano ni Remulla na magpunta sa Portugal upang makipag-usap sa mga awtoridad doon para ibalik sa bansa si Co.

Batay aniya sa impormasyon nakarating sa kanya, si Co ay kasama ang buong pamilya niya, pati kapatid, na nakatira sa isang gated community sa Portugal. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *