Nanawagan si Senador Chiz Escudero ngayong Linggo sa mga ahensya ng pamahalaan na paigtingin ang mga koordinadong hakbang para sa proteksyon ng mga Pilipino sa Gitnang Silangan, sa harap ng tumitinding tensyon matapos ang mga pag-atake sa loob at paligid ng Iran.
“Napakalaki ng bilang ng ating mga kababayan sa Gitnang Silangan kaya’t kailangan ang agarang at maagap na tugon. Hindi puwedeng puro reaksyon lamang kapag nakasalalay ang kaligtasan ng milyun-milyong pamilya,” ani Escudero.
Kinilala ng senador ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na buhayin ang contingency plans at alamin ang kalagayan ng mga Pilipino sa apektadong lugar. Binanggit niyang kritikal ang mabilis na aksyon lalo na’t may higit 865,000 Pilipino sa Saudi Arabia, halos 650,000 sa UAE, at malalaking komunidad sa Qatar, Kuwait, Bahrain, at Oman.
“Hindi sapat ang advisories lamang. Kailangan ng mas pinagsama-samang hakbang kung saan ang mga embahada, welfare officers, at crisis teams ay may iisang impormasyon at malinaw na protocol kung lalala ang sitwasyon,” dagdag niya.
Iminungkahi ni Escudero ang pagbuo ng Middle East Crisis Command Center para sa real‑time monitoring, pagtukoy ng ligtas na ruta, at paglalagay ng evacuation assets sa mga kaalyadong daungan o paliparan. Nanawagan din siya ng tulong para sa mga Pilipinong biyahero na maaaring ma-stranded sa mga paliparan dahil sa kanselasyon ng mga biyahe.
“Hindi ito pagiging alarmista kundi kinakailangang pananggalang, lalo na para sa ating mga OFW sa high‑risk areas gaya ng Israel at Iran, kung saan maaaring limitado ang galaw at maapektuhan ang komunikasyon,” aniya.
Binigyang-diin din ng senador ang kahalagahan ng maaasahang komunikasyon. “Ang mga emergency hotlines, check‑in systems, at pansamantalang tulong para sa connectivity ay makatutulong upang manatiling may impormasyon at matutunton ang ating mga manggagawa, lalo na ang nasa domestic work, construction, at caregiving,” paliwanag niya.
Bilang matagal nang tagapagtanggol ng kapakanan ng OFWs, iginiit ni Escudero na dapat manatiling sentro ng pambansang tugon ang kanilang kaligtasan.
“Handa akong makipagtulungan sa DFA at DMW upang matiyak na bawat Pilipino sa rehiyon ay accounted for, protektado, at may sapat na suporta,” pagtatapos niya. (ROSE NOVENARIO)