Inanunsyo ng mga petitioner ng ikalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na kanilang pormal na babawiin bukas ang kaso upang konsolidahin ang suporta para sa ikatlong impeachment complaint.
“Naniniwala kami na dapat umusad ang impeachment process sa lalong madaling panahon, nang walang procedural limbo at mga legal na abala na makahahadlang sa proseso,” ayon sa kanilang pahayag.
Ang ikalawang complaint ay inihain noong Pebrero 2, 2026 ng Tindig Pilipinas na pinamumunuan ni Kiko Aquino Dee, at inendorso nina Akbayan Rep. Percival Cendaña at Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima.
Naghain ang grupo ng mga pari, madre, at abogado ng ikatlong impeachment complaint laban kay Duterte, na nag-akusa sa kanya ng maling paggamit ng ₱612 milyon confidential funds, pangungurakot sa mga opisyal ng Department of Education, at muling pagbuhay sa alegasyong nagbanta siyang ipapatay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Makalipas lamang ang kanyang pormal na deklarasyon ng kandidatura para sa 2028 presidential election, naharap si Duterte sa ika-apat na impeachment complaint na inihain ni Atty. Nathaniel Cabrera, at inendorso nina Deputy House Speaker Paolo Ortega at Manila Rep. Bienvenido Abante.
Inakusahan siya ng maling paggamit ng pondo ng bayan at pagtatago ng hindi idineklarang yaman.
“Ito ay tungkol sa constitutional accountability,” ani Ortega. “Ang anumang hindi idineklarang asset o yaman na walang paliwanag ay isang mabigat na usapin.” (RRN)